Dennis, hindi nagpapadobol!

Malapit nang mapanood ang Hari ng Tondo na pagbibidahan ni Dennis Trillo. Ayon sa aktor ay talagang kakaiba ang matutunghayan sa kanya ng mga manonood ngayon.
Kaabang-abang din umano ang bawat karakter na masasaksihan sa bagong Kapuso action-drama series. “Ang gaganda ng mga eksenang ginagawa namin doon. Nakakatuwa katrabaho si Direk Enzo (Williams) dahil grabe ‘yung pagtutok niya sa mga bawat characters ng show,” nakangiting bungad ni Dennis sa 24 Oras.
Kabilang din sa naturang programa ng GMA Network sina Ruru Madrid, Rocco Nacino, Ryza Cenon, at Elle Vilanueva. Kahit maaaksiyon ang mga eksenang ginagawa at hindi raw nagpapadobol si Dennis. “Ngayon siguro ‘yung pinakamaaksyon talaga. Nag-prepare kami talaga rito lahat ng mga action sequences. Ginagawa namin nang actual para makita nila na talagang pinaghihirapan namin bawat eksena,” pagbabahagi ng aktor.
Abala man para sa taping ng bagong serye ay sinisiguro naman ni Dennis na magkakaroon ng oras para sa iba pang proyekto. Nakatakdang gumawang muli ng music video ang aktor at asawang si Jennilyn Mercado para sa Co-Love na kanilang music channel sa YouTube. “Malapit na magawa ‘yung studio namin. Ayun, mapapanood ulit ‘yung Co-Love. Makakagawa kami ng mga contents ulit,” pagtatapos ng Kapuso Drama King.
Vice, hiniling sa gma ang GGV
Isa na namang bagong kolaborasyon ang magaganap sa pagitan ng ABS-CBN, at GMA. Muling mapapanood ang Gandang Gabi, Vice pagkalipas nang mahigit anim na taong hindi umere sa Kapamilya Network.
Masayang-masaya ang host ng naturang comedy talk show na si Vice Ganda dahil muling makapagpapasaya sa mga manonood. “Super, super excited. Dinasal ko ito, winish ko ito. Hiniling ko ito. When I had the chance to talk to Ma’am Annette (Gozon-Valdes) and the ABS-CBN management, tinanong nila, ‘Anong gusto mong show ba?’ No’ng meeting ko sa GMA, ang sinabi ko, ‘GGV ang gusto ko,’” pagtatapat ni Vice.
Para sa Unkabogable Phenomenal Box-Office Superstar ay mas malawak ngayon ang magagawa ng kanyang programa. Mas marami ng GMA stars ang kanyang makakasalamuha sa GGV. “Ang pinaka-nakaka-excite ‘yung mga Kapuso star na gusto kong ma-interview at makasama sa show ko posibleng-posible na. Tapos marami rin akong GMA stars na nakausap na gusto rin nilang magkaroon ng GGV experience. So ito na, hindi na siya imposibleng mangyari.
“Laging si Michael V. nasa listahan ko. Marian (Rivera), si Dingdong (Dantes) kasi na-experience na ang GGV. Alden, at Kapuso stars,” pagdedetalye niya.
Matatandaang unang napanood ang Gandang Gabi, Vice sa ABS-CBN noong 2011. Taong 2020 naman nang nagpaalam sa ere ang naturang primetime show ni Vice. “Tumaas ulit ‘yung energy ko, gusto kong mapagod ulit dito sa GGV. Ito ‘yung pagod na gusto ko. Ang ganda nang nararamdaman ko ngayon,” makahulugang pahayag ni Vice. — Reports from JCC
- Latest





















