Alfred lumapit na sa Commission on Human Rights

Nakipagkita na si Alfred Vargas sa Child Rights Network at Commission on Human Rights habang patuloy ang kanyang laban sa bullying, matapos umanong ma-bully ang kanyang pitong taong gulang na anak ng anak din ng kakilala nila.
Kasama ng actor-politician ang kanyang misis na si Yasmine na naging emosyonal sa meeting, na makikita sa mga post ni Alfred kanyang Facebook page noong Miyerkules.
“Nagkaroon kami ng malinaw na pag-uusap. Taos-puso kaming nagpapasalamat sa Child Rights Network (CRN), sa Commission on Human Rights (CHR), at sa Child Rights Center sa pagsuporta sa aming kampanya laban sa bullying. Nabigyan kami ng pagkakataong makipagkita sa mga tagapagtaguyod ng karapatan ng bata at mga kinatawan mula sa CHR.”
Nakalakip pa sa post ni Alfred na base sa datos mula sa Programme for International Student Assessment na ang Pilipinas ay isa sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng bullying.
“Napagkaisahan nating tumulong para palawakin ang pagtugon sa bullying. Ito ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan. Ito ay responsibilidad nating lahat,” dagdag niya.
- Latest

























