^

PSN Showbiz

Fans ni Nora, hirap sa pagbili ng ticket sa online

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pilipino Star Ngayon
Fans ni Nora, hirap sa pagbili ng ticket sa online
Nora

May kaunting reklamo si Nora Aunor. Sinabi niyang nahihirapan ang kanyang fans na bumili ng tickets para makapanood ng kanyang pelikula sa internet. Aminin natin na karamihan sa fans ni Nora Aunor ay may mga edad na rin at ang henerasyong iyan ay hindi na mga techie o sanay sa computer. Tama ang sinabi ni Nora na liban kung matuturuan sila nang harapan, mahihirapan sila sa pagbili ng ticket online.

Sa totoo lang, ang mga nakatatanda na, maski na may cell phone sila, hanggang sa tawag at text lang iyan. Hindi mo aasahan ang mga ‘yan na gumamit pa ng ibang applications na hindi naman common sa kanila. Halimbawa ang pagbili ng ticket sa sine, hindi sila gagamit ng computer o cell phone para gawin iyan. Pipila sila kahit na gaano kahaba sa takil­ya, pero hindi sila susubok na bumili online dahil hindi nila alam iyon.

Ang sinasabi ni Nora, sana naman mabigyan sila ng pagkakataong makabili ng tickets nang hindi na daraan online. Halimbawa nga naman, isang pelikula lang ang kanilang panonoorin, pag-aaralan pa ba nila kung papaano gagamitin iyong apps?

Ang isang nakikita naming possibility ay kung may bibili na nang maramihan at kung sino ang interesado, bumili na lang doon at ibigay sa kanila ang password para mapanood kung ano ang gusto nilang pelikula nang maiwasan na iyong sila pa mismo ang maguguluhang bumili.

Tapos ituro na rin sa kanila doon kung ano ang gagawin nila para mapanood ang pelikula. Nagagawa iyan noong mga nagtitinda ng ­cellphone. Ida-download nila ang application na kailangan ng bibili. Eh ‘di sana may mag-download na rin ng apps kung may bibili ng tickets.

Ikakatuwiran na naman ninyo ngayon iyong “social distancing,” aba ‘di gawan ninyo ng paraan na hindi magsiksikan. Ang daming saradong sinehan, gamitin iyan bilang venue para makapagbenta ng tickets.

Kung hindi, tama ang sinasabi ni Nora. Mara­ming taong maghihintay na lang kung magkakaroon ng video o kaya ay ipapalabas sa telebisyon, after all ngayon naman, mga ilang buwan lang ang isang pelikula ay nasa cable TV na. Doon na lang sila maghihintay.

Kaya lang, ano ba ang kalalabasan ng kita nila sa festival?

Mga mahilig mamboso, naisahan

Ang “private parts ni Paulo Avelino” ay nananatiling private. Hindi niya pinayagang ilabas iyon sa publiko, kaya huwag kayong maniniwala na nabosohan na ninyo si Paulo dahil lamang sa mga kumakalat na video sa social media, o kung dahil sasa­bihin ninyo na napanood ninyo ang kanyang pelikula.

Hindi totoong putotoy ni Paulo ang nakita ninyong ipinagwawagwagan pa niya matapos na umihi sa poste sa highway. Iyon ang tinatawag na “stunt cock” o iyong mga fake na ginagamit ng mga artista sa pelikula. May nagpadala pa sa amin ng picture ng stunt cock at kung sino pati ang gumawa noon. Gawa lang pala iyon ng make-up artist na si Barbie Rothschild, at inamin niya iyon sa kanyang social media account sa pagsasabi pang “Paulo Avelino, made by me.”

Sinasabi na nga ba namin eh. Mukhang naisahan na naman ang mga naniwala at dahil doon marami ang nag-ambisyong makita iyon sa mas high definition dahil naniwala nga sila na ang nakita nila ay putotoy ni Paulo.

Iyon pala ang lahat ng kumalat, at pati na iyong talagang pinakakalat ay malaking fake, para kumita naman ang kanilang pelikula.

Grabe talaga. Kawawa ang mga naniwala sa kanilang pralala. Naisahan na naman ang mga mahihilig manood ng pelikula para lang mamboso.

Grupo ng male stars, natetensyon sa pagpasok ng mga kalaban

Bago raw mag-Christmas, nag-usap-usap ang isang grupo ng male stars sa isang network. Kabado na sila sa pagpasok ng maraming leading men mula sa kalabang network sa teritoryo nila.

Lumipat ang mga iyon para magkaroon ng trabaho, na siyempre ang kahulugan naman ay kabawasan ng trabaho ng mga aabutan nila sa network na nilipatan.

Siguro hindi mo naman masisisi ang network, aba eh hindi naman nagre-rate nang husto ang mga seryeng pinagbidahan lang ng mga artista nila. Inilalampaso ng kalaban, kaya nang magsi­mulang lumipat ang mga kalaban, tinatanggap nila.

Gusto rin naman kasi nilang makatikim ng mas mataas na ratings at makuha rin ang malaking advertising share na madadala sa kanila ng mga artistang lumipat sa kanila. Iyang telebisyon, negosyo iyan at hindi mo sila masisisi kung ganyan nga ang kanilang attitude. Natural sa negosyo na kung may pagkakataon kang kumita nang malaki sa pamamagitan ng iba, gagawin mo rin.

vuukle comment

NORA AUNOR

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with