^

PSN Showbiz

Popular na aktor, dala hanggang sa lock-in ang kakuriputan

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Ang dami-daming kuwentong naglalabasan ngayon tungkol sa mga personalidad na nagtatrabaho nang naka-lock-in. Walang uwian ‘yun, nasa isang lugar lang ang buong cast, hanggang sa matapos ang lahat ng mga eksenang kukunan.

Kapag matagal na silang magkakasama ay lumulutang na ang tunay na ugali ng bawat isa, wala nang maitatago, sabi nga ay lantaran na ‘yun ng mga baraha sa mesa.

Kumpleto ang kanilang mga pangangailangan, hindi sila nagugutom, anumang hanapin ng mga artista ay nakahandang ibigay ng produksiyon.

Pero may mga artistang hindi sanay sa ganu’ng kalakaran, culture shock ‘yun para sa kanila, lalo na ang mga artistang sanay na sanay na bastante ang lahat ng mga gusto nila.

Kuwento ng isang source, “Du’n din natin makikilala kung sinu-sinong artista ang walang pakisama. Ang walang concern sa mga kasamahan nila. ‘Yung mga makasarili,” simulang kuwento ng aming impormante.

Isang popular na male personality ang bumibida sa istorya ng aming source, bida na siya sa harap ng mga camera ay bida pa rin siya sa totoong buhay, heto ang kuwento.

“Naka-lock-in sila sa isang probinsiya, marami silang nandu’n, dahil kailangan ang maraming cha­racters sa seryeng ginagawa nila.

“Dati nang kilalang sarado ang mga palad ng lalaking personalidad, pero mas lumutang pa ‘yun ngayong matagal na panahon silang magkakasama. Totoo raw pala ang tsismis!

“Palagi kasi siyang nagpapadeliber ng food, pero para lang sa kanya, hindi siya namimigay sa mga kasamahan niya. Kahit minsan, hindi man lang siya nagpabili ng pagkain para sa lahat.

“Kayang-kaya niya namang gawin ‘yun kung gugustuhin niya lang dahil napakayaman na niya, di ba? Kumbaga, alikabok lang ‘yun para sa kanya, ni hindi mababawasan ang milyones niya!

“Kapag dumarating na ang delivery ng food niya, e, nagkakatinginan na lang ang mga kasamahan niya, ang naglalaro sa utak nila, ‘Sana, all!’

“Hindi niya naman dapat gawing obligasyon ang pagbibigay, sumusuweldo naman ang mga katrabaho niya, pero hindi rin kasalanan ang pagse-share, ’di ba?

“Pero wala ‘yun sa kanya, kakain siya ng gusto niya, bahala na lang maglaway ang mga naka­kaamoy ng mga inorder niya! Kunsabagay, dati na siyang ganu’n, kahit pizza nga para sa lahat, buy one take na nga, hindi pa siya nakapagpapakain sa mga kasamahan niya!

“Nasa Manila man o sa pro­binsya ang trabaho nila, very consistent pa rin ang kakuriputan ng lolo n’yo!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Ai Ai dinispatsa ang regalo ni Kris!

Konklusyon ng ating mga kababayan ay talagang tinuldukan na ng Comedy Concert Queen na si Ai Ai delas Alas ang pagkakaibigan nila ni Kris Aquino.

Kay Ai Ai mismo nanggaling na ang iniregalong painting sa kanya ni Kris, isang obrang gawa ni da­ting Pangulong Cory Aquino, ay tatlong taon nang wala sa kanyang pag-iingat. Ibinigay niya na ‘yun sa kanyang kaibigang si Bert nang lumipat siya ng bahay.

Ipinagbigay-alam nito sa komedyana na ang painting ni Tita Cory ay dinala ng apo nito sa Leon Gallery para ipa-auction. Ang mapagbebentahan ng painting ay gugugulin sa pagtulong sa mga kababayan nating tinamaan ng kalamidad.

Tanong ng mga kamping-Kris, bakit daw naman sa dinami-dami ng puwedeng ipamigay ni Ai Ai ay ang painting pang regalo sa kanya ni Kris ang kanyang napagdesisyunang ipamigay, bakit hindi na lang ibang bagay o kagamitan?

Kailangang maging malinaw para sa atin na anumang bagay na nailipat na natin ng mga kamay ay hindi na sa atin. Iba na ang may-ari nu’n, anuman ang gawin ng pinagbigyan natin ay labas na tayo, ‘yun ang tunay na indulhensiya ng pamamahagi.

Nu’ng regaluhan ni Sharon Cuneta ng diamond earrings ang kanyang impersonator ay sinabi ng Megastar, “Regalo ko ito sa iyo, iyo na ang hikaw na ‘yan. Sa anumang paraan, kapag nangailangan ka, bahala ka na.”

Ganu’n ang pagbibigay na mula sa puso. Kung anuman ang gawin ng ating pinagbigyan ay labas na tayo du’n. Hindi na tayo ang magpapasya dahil ibang kamay na ang nangangalaga sa ating iniregalo.

Wala raw pagpapahalaga si Ai Ai sa regalo ni Kris sa kanya. Tinuldukan na raw ng komedyana ang kanilang pagkakaibigan. Isinauli niya na ang kandila ng kanilang dating magandang samahan.

Ang una muna sigurong tanong na dapat sagutin ay kung pinahalagahan din ba ni Kris Aquino ang kanilang pagkakaibigan? Pinanindigan ba nito ang kanilang sumpaan nu’n na wala silang iwanan?

‘Yun muna. Pangalawa na lang ang ipinamigay na painting ni Ai Ai.

 

vuukle comment

ACTOR

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with