^

PSN Showbiz

Mga pasaway at nasa bahay, tuloy ang argumento sa quarantine

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Ang pinanghahawakang pag-asa ng mga kababayan natin na matutuldukan na ang enhanced community quarantine sa Sabado ay biglang humulagpos.

Tulad pa rin nang dati ang sitwasyon, bawal pa ring lumabas ng bahay, kailangan pa ring ipatupad ang social distancing, merong magbubukas na mga establisimyento, pero piling-pili lang.

NCR ang pinakaapektadong lugar, hindi makapagtrabaho ang mga manggagawang arawan lang kung kumita, pero nasa NCR din kasi ang pinakamalaking bilang ng mga apektado ng COVID-19.

Kung luluwagan ang mga lugar na pinamumugaran ng salot ay siguradong mas magdedelikado ang buhay ng ating mga kababayan. Magkakahawahan, kakalat nang malawakan ang mikrobyo, para rin naman sa kapakanan ng taumbayan ang desisyon ng DOH at ng ating pamahalaan.

Wala tayong dapat pagbuntunan ng sisi kundi ang mga pasaway nating kababayan na parang hindi natatakot kay kamatayan.

Paulit-ulit ang mga anunsiyo, napapakinggan naman nila kung anu-ano ang bawal, pero buong-ningning pa rin nilang ginagawa.

Sabi nga ng isang galit na galit na sa mga pasaway, “Kung ayaw n’yong mabuhay, pabayaan n’yong mabuhay ang kapwa n’yo!”

Katwiran naman ng mga hindi sumusunod sa mga ipinagbabawal, “Kung hindi kami lalabas, paano kami kakain? Hindi naman sapat ang ibinibigay na ayuda ng gobyerno!”

Digmaan ng mga salita at katwiran ang nagaganap ngayon, may kani-kanyang punto silang ipinaglalaban, pero sana’y magkasundo sila sa isang katotohanan na napakahalaga ng ating buhay.

Coco nagpatalo lang sa emosyon

Nagulat kami sa isang text na tinanggap namin mula sa isang kilalang male performer. Ang kanyang suhestiyon, puwede raw kaya kaming magbuo uli ng isang benefit show para makatulong sa isang sikat na personalidad na nangangailangan ngayon ng tulong?

Ilang ulit na kasi kaming nagbuo ng concert na ang kabuuang kinikita ay ihinahandog ng grupo para sa personalidad na may matinding pangangailangang pinansiyal.

Para kanino ang unang tanong namin. Mas nagulat kami sa kanyang sagot, “Para kay Coco Martin. Ang sabi niya kasi, e, saan na siya kukuha ngayon ng ipakakain sa pamilya niya?”

Napahalakhak kami, isang benefit show para kay Coco Martin na alam naman nating napakayaman, kaya magtagal man nang ilang taon ang lockdown ay mabubuhay pa rin nang paboloso.

Sabi sa amin ng male singer, “E, ‘yun ang sabi niya, e! Ngayong ipinasarado na raw ang ABS-CBN, e, paano na ang pamilya niya?”

Galit na galit si Coco Martin sa kanyang mga pahayag, talagang kumukulo ang kanyang dugo sa mga taong may kinalaman sa pagpapasarado sa istasyong nagbigay ng kabuhayan sa kanya, pero kakaiba ang naging pagtanggap du’n ng mas nakararami nating kababayan lalo na ang mga bashers.

Nagmukha siyang katawa-tawa dahil sino nga ba naman ang maniniwalang pinoproblema niya ngayon kung paano bubuhayin ang kanyang pamilya samantalang isa siya sa pinakamayamang personalidad ng network?

Meron siyang mansiyon, mga sasakyang milyunan ang halaga, marami na rin siyang nabiling ari-arian na milyones din ang pagkabili niya.

Nang panoorin namin ang kanyang monologue ay ang kapakanan naman pala ng mga manggagawa ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho ang kanyang punto.

Hindi lang ang sa kanya dahil ayon na rin sa aktor ay napaghandaan na niya ang ganitong senaryo. Nagsipag siya at nag-ipon dahil alam niya na walang kasiguruhan ang buhay ng mga artista.

Tama ang kanyang mga sinasabi, nagkamali lang siya sa paraan ng pagtatawid, lalo na nang kuwestiyunin niya ang NTC sa pagpapasarado sa network at patulan niya ang mga bashers at trolls na kumokontra sa kanya.

Naunahan ng galit si Coco, nagpatalo siya sa kanyang emosyon, kaya nagsala-salabit hindi lang ang kanyang dila kundi pati ang mga opinyon na dapat ay naiparating niya nang wasto.

Parang pansamantala siyang nilukuban ng kanyang karakter sa Ang Probinsyano na si Ricardo Dalisay na parang hindi natatakot sa kamatayan.

Talagang hindi siya tatantanan ng mga bashers, hindi siya bibigyan ng mga ito ng katahimikan, patuloy siyang huhusgahan dahil sa kanyang paghahamon.

Sabi nga, kapag binulabog mo ang kuta ng langgam, dapat ay handa kang kagat-kagatin at masaktan.

vuukle comment

COCO MARTIN

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with