^

PSN Showbiz

At home concert ng ABS-CBN, nakaipon ng milyones

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
At home concert ng ABS-CBN, nakaipon ng milyones

Sa gitna ng lungkot at tensiyon ay napapanahon ang ginawang concert ng ABS-CBN. Parang marathon din ‘yun kapag may kalamidad, lumilikom sila ng tulong mula sa ating mga kababayan, kaya lang ay idinaan nila ‘yun sa pamamagitan ng kantahan.

Nasa kani-kanilang bahay lang ang mga artista at singers ng network, pero live silang napanonood sa pamamagitan ng satellite, malaking-malaking kabawasan sa nakalulungkot na sitwasyon natin ngayon ang palabas.

Sina Martin Nievera at Gary Valenciano ang nagbuwena-mano sa “At Home Together Concert,” emosyonal sila sa pagtatawid ng kanilang piyesa at mensahe, ang sumunod naman ay ang mag-asawang Ogie Alcasid at Regine Velasquez.

Ang singer-composer ang nasa piano para akumpanyahan ang kanyang misis na nakaupo lang, pero grabe pa ring bumirit, walang ka-make-up-make-up ang Asia’s Songbird.

Mukhang naturuan nang kumanta ni Sarah Geronimo si Matteo Guidicelli dahil sa kanilang duet ay nakasasabay na ang aktor sa kanyang misis.

Namnam na namnam nila ang mga liriko ng kanilang piyesa, napakaganda nilang pagmasdan, dahil tumatawid ang kaligayahang niyayakap nila ngayon bilang mag-asawa.

Walang make-up ang mga singers at artista nang humarap sila sa mga camera. Du’n natin makikita kung sinu-sino talaga ang hindi alipin ng kolorete.

May mga personalidad na napakasimple lang tingnan kapag wala pang make-up, pero kapag naayusan na ay nagmimistulang halimaw, sabi nga ng mga make-up artist.

Napakaganda ni Liza Soberano, may make-up man siya o bagong ligo lang ang itsura, ibang-iba talaga ang ganda ng young actress dahil hindi siya nakakasawang pagmasdan.

Bilyon ang nakalap na donasyon ng ABS-CBN para sa kanilang proyektong “Pantawid Ng Pag-ibig,” milyun-milyon ang ibinigay ng maraming mangangalakal, sa mga ganitong panahon talaga ay iba ang pusong-Pinoy.

Mula sa naipon nilang donasyon ay sinimulan agad ng network ang pamamahagi ng mga biyaya para sa mga kababayan nating sobrang apektado ng enhanced community quarantine.

Napakaraming kababayan natin ang talagang hindi na makatulog dahil baka sa kinabukasan ay wala na silang mapagsalu-saluhan sa hapag.

Napakasuwerte ng mga bukod na pinagpala, tumagal man nang ilang taon ang lockdown ay hindi sila mababagabag, anumang oras ay meron silang malaking halagang makapangtutustos sa kanilang mga pangangailangan.

Saludo sa mga nagbuo ng concert ng ABS-CBN. Kahit pa inuulaol sila ng problema ngayon tungkol sa kanilang franchise renewal ay nagawa pa rin nilang matagumpay na maitawid ang isang konsiyertong napakalaking pambalanse sa nakatatakot na sitwasyong hinaharap natin ngayon.

Mahigit na isandaang artista at singers ang nakiisa sa concert, ang iba ay nasa ibang bansa pa, tulad ni Darren Espanto na nasa Canada ngayon pero natatangi ang kanyang rendisyon na walang kasabit-sabit at napakaemosyonal.

Si Moira ay nasa ibang bansa rin, ang kanyang mister ang gumitara sa bagong komposisyong ginawa niya para sa malungkot na panahong ito, may malaking pagbabago sa kanyang itsura ngayon.

Lahat ng mga performers ay nagtawid ng kanilang mga mensahe, ang tutok ng kanilang pasasalamat ay sa mga frontliners, ang mga doktor at nurses at mga nagtatrabaho sa ospital na isinusugal ang kanilang kaligtasan ngayon para sa kapakanan ng ating kapwa Pilipino.

Sila naman talaga ang maituturing nating mga bayani ngayon. Pansamantala na nilang kinalimutan ang kanilang mga pamilya, ang mga personal nilang kaligtasan at interes, madugtungan lang ang buhay ng mga pasyenteng kinapitan ng COVID-19.

Mabuhay ang mga frontliners!

vuukle comment

ABS-CBN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with