^

PSN Showbiz

Aktres na ubod ng tamad ang asawa, sa dalawang lalaki nagpasasa ng kaligayahan!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Sa isang okasyon ay nagkainuman ang mga kilalang artistang babae. May kani-kanyang napatunayan na silang lahat. Ninakaw lang nila ang pagkakataon para magkainuman na matagal na matagal na nilang hindi nagagawa.

 

Natural, cool na cool lang sila sa una, pero kapag nakakargahan na sila ng inuming nakapagpapakapal ng mukha at nakapagpapadulas ng dila ay umaariba na ang kanilang emosyon, naglalabas na sila ng sentimyento sa buhay, tulad ng isang female personality na matagal nang problemado sa kanyang mister.

Kuwento ng aming source, “Ilang dekada na niyang dala-dala ang problema sa husband niyang artista rin. Kuwento niya, nang maghulog ang langit ng katamaran, e, gising na gising ang asawa niya.

“Sobrang tamad, sabi ng girl, kaya unti-unti na ring lumipad ang pagmamahal niya sa asawa niya. Aalis siya ng bahay papunta sa taping, humahagok pa sa sarap ng tulog ang husband niya.

“Maghapon siyang nagtatrabaho habang sarap na sarap lang sa paghiga ang husband niya, puro gadget ang hawak, laro lang nang laro. Uuwi siya nang madaling-araw, tulog na ang guy.

“Ni wala man lang siyang makausap kapag umuuwi siya, hindi man lang niya maikuwento kung ano ang nangyari sa kanya sa maghapon, naghihilik na kasi ang dapat niyang mapagkuwentuhan!” simulang kuwento ng aming source.

At walang pinipiling dahilan ang katamaran ng mister ng female personality. Kahit sa pangangailangan niya bilang babae, tamad din ang kanyang asawa, kaya nang magtagal ay humanap na rin ng bawal na kaligayahan sa ibang lalaking personalidad.

Patuloy ng aming impormante, “Dalawang pamilyado nang male personalities ang magkasunod niyang naka-fling. Walang promise ang relasyon nila, fling-fling lang, nagkikita lang sila kapag gusto nilang bumiyahe nang magkasama sa paglipad sa langit ng kaligayahan.

“Magkasunod niyang naka-fling ang dalawang personalities na maligaya naman sa buhay nila. Hindi masisi ng kanyang mga kasama sa inuman ang girl. Naiintindihan nila kung bakit nakipag-fling sa mga kilala rin nilang male personalities ang kaibigan nila.

“Isa lang ang nasabi ng isang friend niya, ‘Kinatamaran niya ang pagsisi­ping n’yo, kasi nga, kaya niya namang bumiyahe sa langit nang mag-isa lang! At nag-trending pa!’

“Nakakaloka!” napapailing na pagtatapos ng aming source na awang-awa sa female personality.

Ubos!

Fans club ni Ate Vi, kuyog ang pagmamahal parang KathNiel fans!

Aktibo ang VSSI (Vilma Santos Solid International). Kapag may proyekto ang kanilang idolo, si Congresswoman Vilma Santos, ang magkakahawak-kamay silang kumikilos.

Maganda ang komunikasyon ng VSSI sa mga reporters. Kahit guesting lang ng kanilang idolo ay ipinaaabot nila sa mga manunulat, ang kanilang tagapamuno na si Jojo Lim ang nangunguna sa pagtatawid ng impormasyon, kumpleto ‘yun sa petsa at oras ng airing.

Konting magandang bagay lang na isinulat ng reporter tungkol kay Ate Vi ay agad nang naka-text si Jojo Lim para magpasalamat, sa kasalukuyang panahon ay para silang mga tagahanga ng KathNiel na marunong magbigay-halaga sa nagagawang tulong ng mga manunulat.

Ang VSSI ay may mga miyembro rin sa iba-ibang bansa. Laganap ang kanilang mga kamiyembro sa Amerika, Canada, Dubai, Sweden, Hong Kong at mga bansang nararating ng Filipino channels.

Nakatataba ng puso para sa mga manunulat ang ginagawa ng mga mi­yembro ng VSSI. Hindi man personal na nakapagtatawid ng pasasalamat ang kanilang idolo na sobrang abala ay sila na ang gumagawa nu’n.

Solido ang VSSI, kumikilos sila nang iisa, nagkakasundo sila sa iisang pananaw at hindi sila palaaway. Ang tanging malasakit lang nila ay ang kung ano ang makabubuti sa career ng kanilang idolo, ‘yun lang, wala nang iba pa.

Nagkita-kita ang mga miyembro ng VSSI nu’ng December 29 para sa kanilang taunang Christmas party. Hindi nakarating si Congresswoman Vilma Santos dahil may pisikal na dinaramdam.

Pero parang magkakasama na rin sila dahil naglaan ng panahon ang Star For All Seasons na batiin sila sa pamamagitan ng phone patch.

Sobrang kaligayahan na ‘yun para sa VSSI. Ang tunay na suporta at pagmamahal nga naman ay hindi napatutunayan sa madalas na pagkikita.

Ang mahalaga ay palaging nand’yan lang ang VSSI na buong-pusong nakasuporta sa kanilang idolo na nagmamahal din sa kanila pabalik.

“My Vilmanians,” madalas sabihin ng aktres-pulitiko, napakasarap pakinggan.

vuukle comment

VILMA SANTOS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with