^

PSN Showbiz

Aktres hindi natagalan ng asawa sa sobrang gulo ng utak

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Pati trabaho apektado na

Ang pabagu-bagong takbo ng utak ng isang kilalang female personality ang dahilan kung bakit nagpaudlut-udlot ang proyektong dapat ay gagawin niya sa isang malaking produksiyon.

Matindi ang kanyang sumpong. Minsan ay maaliwalas ang kanyang gising, maayos na maayos siya, pero mas madalas na parang palaging binabagyo ang kanyang buhay.

Kuwento ng aming source, “Ganu’n naman siya talaga, di ba? Nu’ng kumabilang bakod siya at binigyan ng magandang show ng network na nilipatan niya, e, maayos na maayos siya nu’ng mga unang taping.

“Nauuna pa yata siya sa generator kung duma­ting sa set. Napakaaga niya, siya ang naghihintay, maraming natuwa sa kanya. Pero pagkatapos lang nang ilang taping, e, umariba na ang kalokahan niya!

“Umaga ang calltime niya, pero dumarating siya nang after lunch na, nakatengga ang mga eksenang kukunan na kasali siya. At ang mas nakakaloka, e, nagpapa-pack-up siya ng taping.

“Bigla raw kasing sumasakit ang ulo niya na parang pinapalakol sa sobrang kirot! Hindi siya lumalabas ng dressing room niya, reklamo nang reklamo, may magagawa pa ba ang production kapag ganu’n?

“E, hindi naman pala siya mapapakinabangang mag-work, di sige na lang, pauwiin na lang siya! Paulit-ulit na ganu’n ang drama niya, ano tuloy ang nangyari?

“Tinigok na lang ang programa kesa sa magastusan pa ang network sa dami ng mga kaartehan at kadramahan niya!” napakadiing pag-alala ng aming impormante.

Ilang managers na ba ang humawak sa career ng pamosong female personality na ito? Ang dami-dami na. Pero may tumagal ba?

“Naku, ikinatuwa pa nga ng mga managers na ‘yun ang hindi na paghawak sa career niya. Sino naman ang makatatagal sa ugali niya na paiba-iba ang takbo? Kung magpalit siya ng isip, e, agad-agad!

“Hindi rin siya nakikinig sa payo ng manager niya, gagawin niya ang gusto niya, wala siyang pakialam sa kahit sino! Matigas ang ulo ng babaeng ‘yun! Mahirap ispilengin ang ugali niya!

“Babalik na raw siya sa pag-arte, tapos, e, hindi na naman! Kahit naman ang asawa niya, e, hindi na nakatagal sa pag-uugali niya, di ba? Nakapagtataka pa ba ang hindi pagkatuloy ng project niya ngayon?” napapailing na lang na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Coco kumpirmado na ang pagiging bagong FPJ

Magbabago na ang estado ng buhay ni Rhed Bustamante, ang magaling na child actress, na dahil sa sobrang kahirapan ay nagtitinda na lang ng kape at tinapay sa may riles ng tren.

Pinatawagan na siya ni Coco Martin, bibigyan na siya ng magandang oportunidad na mapasama sa matagumpay na seryeng Ang Probinsyano, matutuldukan na ang mga problema ng kanyang pamilya.

Maganda ang naging pahayag ng magaling na action star, “Nu’ng nagsisimula pa lang akong artista, e, wala namang nagbigay sa akin ng pera. Pero mas matindi pa du’n ang tinanggap ko, oportunidad na makapagtrabaho. Walang katumbas ang maregaluhan ng opportunity.”

Komento ng aming anak-anakang si Obet Sapin, “Magiging tatak na po ngayon ni Coco Martin ang pagiging tagahango sa kahirapan ng mga kapwa niya artistang nangangailangan. Napakagandang advocacy at legacy ni Coco sa showbiz industry na sana nga po, e, tularan din ng iba.

“Sobrang nakakatuwa po dahil ang pagiging bayani niya sa Ang Probinsyano, e, nae-extend niya sa tunay na buhay. Grabe po talaga si Coco, siya na ang makabagong FPJ, siya na po talaga ang FPJ ng kasalukuyang panahon.

“Sa ginagawa niyang kabutihan sa mga kapwa niya artista, e, dapat lang pong magtagal pa ang kanyang serye na sobrang successful, dapat lang pong magka-forever ang Ang Probinsyano,” buong pag­hangang komento ni Obet Sapin.

Sampu-sampera sa dami ang mga artista ngayon. Pare-pareho silang kumikita nang sobra pa sa kanilang mga pangangailangan. Pero iilang palad lang ang nakabukas para tumulong at magbigay ng oportunidad para sa mga kasamahan nilang personalidad na kumulimlim na ang kinang ng bituin.

At sa iilang ‘yun ay nangunguna sa listahan si Coco Martin.

vuukle comment

COCO MARTIN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with