^

Punto Mo

Alyas para sa bayan at bayad

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA nakaraang pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani, naging usap-usapan ang mga ginamit na alyas ng ating mga bayani sa kanilang mga isinulat na propaganda laban sa mga mananakop na Kastila. Kailangan nilang gumamit ng mga alyas upang maitago ang kanilang pagkakakilanlan nang sa gayon ay maipagpatuloy nila ang pakikibaka para sa kasarinlan.

Nalaman natin mula sa mga talang pangkasaysayan ang paggamit ng alyas ng ating mga bayani na katulad ng mga sumusunod: Jose Rizal--Dimasalang; Andres Bonifacio--May Pag-asa; Marcelo H. Del Pilar--Plaridel; Antonio Luna--Taga-ilog; Emilio Jacinto--Pingkian. Itinago nila ang kanilang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng paggamit ng alyas.

Naging kontrobersyal ang ginawa ni Senator Robinhood Padilla na paghahambing sa mga alyas ng ating mga bayani sa mga alyas diumano ng mga taong tumanggap ng bayad mula sa confidential funds na tulad nina Mary Grace Piattos, Chippy McDonald, Antonio Pagong, Timon Andrew Pusa, at Shane Ngitngit. 

May mga komentarista na nagsabing ang paghahambing ng Senador ay malubhang paglapastangan sa alaala ng ating mga bayani na gumamit ng mga alyas ‘‘para sa bayan,’’ samantalang ang diumano’y mga alyas na may kaugnayan sa confidential funds ay gumamit ‘‘para sa bayad.’’

Sa paghahambing ng Senador, parang lumalabas na si Mary Grace Piattos ay may dangal na katulad ni Jose Rizal, na si Chippy McDonald ay may puso ng bayani na katulad ni Andres Bonifacio.

Ngayon ay alam na natin na si Dimasalang ay si Jose Rizal. Pero hanggang ngayon ay hindi pa natin alam kung si Mary Grace Piattos ay kumakatawan sa isang tunay na tao. Hindi kaya si Mary Grace Piattos ay isang multo na katulad ng maraming flood control projects?

Masama ba ang gumamit ng alyas? Depende. Kung ang layunin ay upang itago ang pagkakakilanlan para maipagpatuloy ang pakikipaglaban alang-alang sa bayan, ito’y mabuti at isang kabayanihan. Ngunit kung ang layunin ay upang itago ang pagkakakilanlan para maipagpatuloy ang pagnanakaw alang-alang sa sarili, ito’y masama at isang kataksilan.

Sa panahon natin ngayon, may mga social media influencers na gumagamit ng alyas sa mga social media platforms para magpalaganap ng mga fake news at mapangwasak na komentaryo laban sa mga taong pinupuntirya ng mga among nagbabayad. Dahil ang ipinalalaganap nila’y kasinungalingan, kailangang itago nila ang kanilang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng paggamit ng alyas. 

Sa kabilang dako, ang mga social media influencers na nagpapalaganap ng katotohanan, kabutihan, at katarungan ay hindi kinakailangang gumamit ng alyas, lantad ang kanilang mga pangalan, sapagkat wala silang itinatago. Kapahayagan ito ng tunay na katapangan, bagamat alam nila na maaari silang maharap sa panganib, kung paanong ang ating mga bayani ay naharap sa panganib alang-alang sa bayan at sa katotohanan.

Sana’y ipagbawal na ang paggamit ng alyas sa social media, sapagkat ito’y nagagamit na instrumento upang magpalaganap ng kasinungalingan at siraan ang iba alang-alang sa pera. Kung hindi ito maipagbabawal, marami ang maililigaw ng mga tiwali na itinatago ang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng paggamit ng alyas.

Noong panahon ng pananakop ng mga dayuhan, ang mga nagmamahal sa bayan ay gumagamit ng alyas. Sa panahon natin ngayon, ang mga nagmamahal sa bayad ay gumagamit ng alyas. Magpakatalino para malaman kung ano ang totoo!

ARAW NG MGA BAYANI

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with