EDITORYAL — Visa-free policy, gamit sa scam?
POSIBLENG ginagamit ng mga dayuhan para sa scam hub operations ang visa free entry sa Pilipinas. Sinabi ng Department of Justice (DOJ) na umuusbong muli ang maliliit na scam hubs at maaring may kinalaman ang visa-free entry. Inaabuso ang polisiya at karaniwang POGO operation ang inaatupag.
Isang halimbawa, ayon sa DOJ, ay ang mga nadakip na dayuhan sa isang raid sa Zamboanga Sibugay kamakailan, na nag-o-operate ng POGO. Nakapasok sa bansa ang mga dayuhan sa ilalim ng visa-free arrangement.
Noong nakaraang Enero 2026, ibinalik ang visa-free entry para sa Chinese visitors, na nagbibigay-daan sa pananatili nang hanggang 14 days para sa tourism o business. Nakatakda rin itong repasuhin bago matapos ang isang taon.
Dapat seryosohin ang babala, lalo pa’t ngayo’y nababanggit na naman ang POGO pero hindi rin dapat agad sisihin ang visa-free policy sa scam operations.
Mismong DOJ ay nagsabing maaari lamang itong naging isang dahilan at ilan lamang sa mga nahuli ang gumamit nito.
Ang mas mahalagang tanong ngayon ay kung ano ang nangyayari pagkatapos makapasok ang isang “bisita”.
Kung lumampas na sa visa-free allowance, nagtatrabaho na sa ilegal na operasyon o lumilipat sa isang scam hub, dapat may sistema upang mas mabilis itong matukoy.
Sunud-sunod din ang pagkakadiskubre ng mga pasilidad.
Bukod sa 244 foreigners na nahuli sa Zamboanga Sibugay noong nakaraang linggo dahil sa pag-operate ng POGOs, 200 Vietnamese nationals naman ang inaresto matapos ang raid sa isang umano’y scam hub sa Olongapo kamakailan lamang. At maaaring sa mga susunod na araw, mayroon na namang mga dayuhan na maaaresto.
Ipinapakita nitong hindi sapat ang border control lamang. Kailangang bantayan ang overstaying, suspicious employment at galaw ng mga grupong nag-oorganisa ng ganitong operasyon.
At hindi rin maaaring pawang mga dayuhan lamang ang tugisin at arestuhin.
Ang malalaking scam hub ay nangangailangan ng lugar, utilities, sasakyan, dokumento at iba pang suporta. Kailangang tukuyin din ang mga lokal na kasabwat na tumutulong upang manatiling nakatago ang mga operasyon.
Ang visa-free entry ay para gawing mas madali ang lehitimong turismo at negosyo, hindi para maging madaling pasukan ng ilegal na operasyon.
Ang solusyon ay ang mas mahigpit at maigting na monitoring at enforcement. Hindi dapat isisi agad sa bawat dayuhang pumapasok sa bansa. Maaring makasira ito sa pinu-promote na turismo.
- Latest



















