Bullying at pamilyang Pilipino
NAKABABAHALA ang tumataas na insidente ng bullying sa mga school, lalo na sa public schools kung saan may napakalaking bilang ng mga estudyante sa mga klase. Pinapabulaanan nito ang dating paniniwala na ang eskuwelahan ang pinakaligtas na lugar para sa isang bata at kabataan.
Ayon sa pag-aaral noong 2022 at 2024 ng Programme for International Student Assessment (PISA), halos kalahati ng mga estudyanteng Pilipino na edad kinse anyos ay nakakaranas ng bullying ilang beses sa bawat buwan.
Nauna rito, iniulat ng Southeast Asia Primary Learning Metrics na 63 porsyento ng mga nasa Grade 5 ang nakakaranas ng bullying ilang beses sa bawat buwan. Isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng bullying sa Southeast Asia.
Kabilang sa mga inulat na paraan ng bullying ay harapang pananakit at panlalait o physical at verbal abuse. Kasama rin ang cyberbullying na ginagawa naman sa pamamagitan ng digital technologies.
Ang mga biktima ng bullying ay dumaranas ng mga problemang mental (pagkatakot, depresyon, mababang pagpapahalaga sa sarili), pisikal (pagkakasakit), akademiko (pagbaba ng mga grado o madalas na pagliban sa klase), pag-iisip na magpakamatay, paglayo sa karamihan, at paggamit ng ilegal na droga.
Ang karaniwang nagiging biktima ng bullying ay ‘yong may kakaibang itsura, mula sa ibang lahi, nasa laylayan ng lipunan, at may ibang sexual orientation, tulad ng LGBTQ.
May isang kapansin-pansin na lumabas sa pag-aaral, ang mga kabataang nambubully ay mga biktima rin mga galing sa wasak na pamilya, mga nakaranas ng pang-aabuso ng mga magulang, mga hindi nakadama ng pagpapahalaga, mga sobra ang pagbabad sa social media, mga nabarkada at naligaw ng landas. Kailangan ding sagipin ang mga nambubully, kung paanong dapat sagipin ang mga nabubully.
Kaya’t ang bullying ay isang problemang nag-uugat sa pamilya, bagamat ito’y nangyayari sa loob ng eskwela. Kinakailangan ang pagtutulungan ng pamilya, eskuwela, simbahan at gobyerno upang masagip ang mga bata at kabataan sa kasamaan ng bullying. Ayon sa isang matandang kawikaan sa Africa, “Kinakailangan ang buong nayon upang itaguyod sa paglaki ang isang bata.”
Mahalagang bigyan ng mahalagang pansin ng Department of Education, at iba pang opisina ng gobyerno, ang ating problema sa bullying, sapagkat nakasalalay rito ang kinabukasan ng ating mga kabataan na ayon sa ating bayaning si Jose Rizal ay siyang pag-asa ng bayan.
Kung kalahati o higit pa sa ating mga bata at kabataan ay patuloy na magiging biktima ng bullying, anong uri kaya ng kabataan ang malilikha ng lipunang Pilipino? Kung isasama pa sa problema ng bullying ang bumabagsak na kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ay talagang nahaharap tayo sa isang napakalaking krisis na ang nakataya ay ang katatagan ng ating republika.
Kailangan natin ang mga kabataang may wastong pagtingin sa sarili, may tamang mga pagpapahalaga (values) sa buhay, may pagmamahal sa kapwa, at pananampalataya sa Diyos. Lahat ng ito’y ipinupunla, umuusbong, at lumalago sa loob ng tahanan, bago pa man magampanan ng eskwela, simbahan, at gobyerno ang kani-kanilang papel.
Sabi ng British statesman na si Winston Churchill, “Walang pag-aalinlangan, ang mga pinakadakilang katangian ng sangkatauhan ay nalilikha, napagtitibay, at napapanatili sa loob ng pamilya at tahanan.” Seryosohin nawa ng gobyerno ang pagpapatatag ng pamilyang Pilipino.
- Latest















