Pagpapagamot sa kanser magastos
Isa sa pinakamabigat na pasanin ng milyun-milyong pamilya sa buong mundo ang hindi lamang mismong kanser kundi ang napakamahal na gastusin sa pagpapagamot nito. Ito ang idiniin ng World Health Organization (WHO) sa pinakahuling ulat nito tungkol sa epekto ng kanser sa mga pasyente at kanilang pamilya.
Umuunlad naman ang makabagong medisina. Marami nang uri ng kanser ang maaari nang maagapan o magamot kung maaagapan ang pagtuklas at mabibigyan ng tamang lunas. Gayunman, hindi lahat ng pasyente ay nakikinabang sa mga pag-unlad na ito. Marami ang hindi nakakukuha ng kinakailangang chemotherapy, radiotherapy, operasyon, targeted therapy o immunotherapy dahil sa sobrang taas ng halaga ng mga ito.
Sa Pilipinas, hindi na bago ang ganitong sitwasyon. Kahit may health insurance, napakalaki pa rin ng nagiging gastos ng maraming pasyente. Umaabot sa daan-daang libo hanggang milyong piso ang kabuuang halaga ng gamutan depende sa uri at yugto ng kanser. Hindi pa kasama rito ang gastusin sa laboratory tests, CT scan, MRI, PET scan, mga maintenance na gamot, pagbiyahe, pagkain at pagkawala ng kita habang nagpapagamot.
Hindi lamang katawan ang naaapektuhan kundi maging ang kabuhayan ng buong pamilya. Maraming pasyente ang napipilitang umutang, magsangla o magbenta ng ari-arian upang maipagpatuloy ang gamutan. Ang iba naman ay napipilitang ihinto ang pagpapagamot dahil wala nang maipambayad. May mga pamilyang kinakapos sa pagkain, may mga batang napipilitang tumigil sa pag-aaral at mayroon ding nawawalan ng hanapbuhay.
Lumilitaw din sa mga pag-aaral na 45 hanggang 60 porsiyento ng mga taong may kanser ang nakararanas ng matinding suliraning pinansyal dahil sa kanilang sakit. Mahigit kalahati rin ang nakararanas ng matinding stress, depresyon o iba pang suliranin sa kalusugang pangkaisipan habang nakikipaglaban sa kanser.
Patuloy ring lumalaki ang bilang ng mga nagkakaroon ng sakit na ito. Ayon sa International Agency for Research on Cancer ng WHO, tinatayang umabot sa mahigit 20 milyong bagong kaso ng kanser at halos 9.7 milyong pagkamatay ang naitala sa buong mundo noong 2022. Kung magpapatuloy ang kasalukuyang kalakaran, maaaring umabot sa halos 35 milyong bagong kaso bawat taon pagsapit ng 2050 dahil sa paglaki at pagtanda ng populasyon ng mundo.
Malaki rin ang agwat ng tsansa ng paggaling depende sa antas ng kabuhayan ng isang bansa. Halimbawa, sa kanser sa suso, umaabot sa humigit-kumulang 87 porsiyento ang limang-taong survival rate sa mayayamang bansa, samantalang nasa 42 porsiyento lamang ito sa maraming mahihirap na bansa. Ipinakikita nito na hindi lamang sakit ang kalaban ng mga pasyente kundi pati kahirapan at kakulangan ng serbisyong pangkalusugan.
Iginigiit ng WHO na hindi dapat ituring na normal o hindi na mababago ang mga hindi pagkakapantay-pantay na ito. Ang mga ito ay bunga ng mga naging desisyon at patakaran kaya maaari ring maituwid sa pamamagitan ng mas matatag at nagkakaisang pagkilos ng mga pamahalaan at mga sistemang pangkalusugan.
•••••
Email- [email protected]
- Latest



















