Tungkol sa sick leave
Dear Attorney,
Tanong ko lang po kung naaayon ba sa batas na walang vacation leave o sick leave ang isang empleyado? Kaka-regular ko lang po sa trabaho, pero nitong ako’y magkasakit kamakailan, doon ko lang nalaman na limang araw lang daw ang paid leaves namin per year at wala pala kaming sick leave. Puwede po ba akong magreklamo? — Jean
Dear Jean,
Walang partikular na probisyon sa ating Labor Code na nag-uutos sa employers na magbigay ng sick leave o vacation leave sa mga empleyado. Ang tanging nakasaad sa batas ay ang tinatawag na Service Incentive Leave (SIL), na nagkakaloob ng limang (5) araw na bayad na leave kada taon para sa mga empleyadong nakapagsilbi na ng hindi bababa sa isang taon.
Kaya kung batas lamang ang pagbabatayan, hindi obligasyon ng employer na magbigay ng sick leave o vacation leave maliban sa nasabing limang araw na SIL. Ito lamang ang minimum na benepisyong kinakailangang ibigay ng employer sa ilalim ng ating batas.
Pero karaniwan na naman sa mga kompanya ngayon na magbigay ng sick leave na mas mahaba kaysa sa SIL kaya tingnan mo rin ang iyong employment contract at ang CBA o collective bargaining agreement (kung mayroon man) para sa mga empleyado upang malaman kung wala ba talagang nakasaad na karagdagang benepisyo gaya ng vacation leave at sick leave.
Maaari ring tingnan ang nakagawiang polisiya ng inyong kompanya upang matukoy kung dati ay wala talaga ang mga nasabing mga benepisyo.
Kung wala sa kontrata, CBA, o wala ring opisyal na patakaran ang kumpanya ukol sa vacation o sick leave, ang limang araw na service incentive leave lamang ang maituturing na obligasyon ng employer alinsunod sa batas.
- Latest
















