^

Punto Mo

Bakit napakamahal ng electric car?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MATAGAL nang kaalaman na ang mga sasakyang pinapatakbo ng kuryente ay isa sa mga nakikitang solusyon sa pagtaas ng halaga ng langis at sa global warming. Kung sana napakarami na ng electric car sa Pilipinas at kung mas mura ang presyo, hindi na sana gaanong puproblemahin ngayon ng mga motorista  ang sobrang pagtaas sa kasalukuyang presyo ng gasolina at diesel na bunsod ng panggigiyera ng Russia sa Ukraine.

Kaso nga, hindi pa gaanong malaganap sa bansa natin ang electric vehicle (EV). Napakamahal din na umaabot sa milyun-milyong piso ang halaga kaya kokonti lang ang nakakabili na isa pang dahilan kung bakit napakamahal ng electric car na sa iba pang bansa nabibili. Dagdag din dito ang kakulangan sa mga charging station na hindi tulad sa mga gasolinahan na nagkalat para sa mga conventional cars.

Pero bakit nga ba napakamahal ng electric car?  Ayon sa Zigwheels,  masyadong magastos ang pagbili ng isang electric vehicle dahil napakamahal ng bateryang ginagamit nito.

Binanggit sa artikulo na, bukod sa lithium-ion cells, ginagamit din sa paggawa ng baterya ng electric car ang mga metals na tulad ng cobalt, nickel, at manganese. Dahil sa umiiral pang teknolohiya rito sa ngayon, hindi pa maaaring isagawa ang maramihang paggawa ng isang ­baterya ng EV. Dahil nga hindi maramihan ang paggawa ng  lithium-ion batteries na nagpapaandar sa EV kaya napakataas ng presyo nito kumpara sa lead-acid batteries. Ang  isang maganda  sa lithium-ion battery ng EV, tumatagal ito nang hanggang 200,000 kilometro na mas mataas kumpara sa  sasakyang pinaandar ng gasolina.

Napakalaki at napakabigat ng lithium-ion battery kaya masyado itong mahal. Isang modelo nito ay may timbang na 1,200 pound. Bawat pound ay tinatayang nagkakahalaga ng P400.  Umaabot ito sa P5,050 bawat KWH o halos P50,500 para sa 100 kwh.

Kakulangan sa supply chain ang isa pang dahilan kung bakit napakamahal ng mga baterya ng EV. Dito sa Pilipinas, limitado lang sa mga pampublikong sasakyan at e-tricycles ang EV. At limitado rin ang suplay ng baterya nito. Pero sinasabing habang tumatagal ay bumubuti ang sitwasyon dahil, sa nagdaang dekada, ang average global cost ng  isang EV battery ay bumaba nang halos 85 percent mula sa $1,160 (P58,500) per kwh noong 2010 ay naging $176 ( P8,900) ito noong 2018. Niyayakap ng mga tagagawa ng kotse ang mga mas bagong teknolohiya at pinalalawak nila sa ibang mga bansa ang kanilang supply chains.  Inaasahang bababa pa ang presyo ng baterya kapag lalong naging adaptable ang teknolohiya.

Kokonti lang ang mga kumpanyang gumagawa ng EV. Dito sa ating bansa ay tatlo lang ang pangunahing manufacturer nito. Sinasabi sa Zigwheels na karamihan ng mga car manufacturer (may kabuuang bilang na 28) ay nagsasalita lang hinggil sa pagpapakilala ng EV pero hindi pa sila aktuwal na pumapasok sa proseso ng paggawa ng ganitong mga sasakyan. Mas bababa ang presyo ng mga EV kung magkakaroon ng mass production nito na matagal pa bago mangyari.

Wala ring gumagawa  sa Pilipinas ng mga baterya at piyesa ng EV. Kadalasang sa China pa ito nabibili. Imported kaya lalong mahal.

• • • • • •

 

Email-[email protected]

vuukle comment

CAR

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with