^

Punto Mo

Puso ng baboy ipinalit sa puso ng tao

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

HINDI pa pala opisyal na aprubado ng U.S. Food and Drug Administration ang pig heart transplant operations pero binigyan nito ng emergency authorization noong Disyembre 31 ang sinasabing matagumpay na  operasyon noong Enero 7 sa isang 27-anyos na pasyenteng si  Davit Bennett ng Maryland, U.S.A. na nangangailangan ng bagong puso para maisalba ang kanyang buhay. Pero puso ng baboy ang ikinabit sa kanya kapalit ng dati niyang puso na may malubha nang diperensiya. Genetically-modified naman ang baboy na ginamit at una itong eksperimento sa isang tao nang isagawa ang operasyon sa kanya sa University of Maryland Medical Center.

Wala pang isang buwan mula nang maoperahan si Bennet at habang isinusulat ito,  patuloy ang obserbasyon ng mga dalubhasa kung tuluyang tatanggapin o hindi ng kanyang katawan ang kanyang hayop na puso. Ipinasya niyang tanggapin iyon kahit mula sa isang baboy ang puso para mabuhay pa siya nang matagal.  Maituturing na siya ang unang tao na matagumpay na nakatanggap at gagamit ng puso ng baboy.

Bukod sa puso ng baboy, nauna na ring sinubukan noong nakaraang taon ang pagkakabit ng kidney ng baboy sa isang tao na nangangailangan ng bagong kidney. Hindi pa mabatid kung ganap na magtatagumpay ang mga operasyong ito na pawang nasa antas pa rin ng eksperimento. Panahon na lang ang makakapagsabi kung talagang mabubuhay nang matagal ang isang tao na ang tumitibok sa kanyang  dibdib ay puso ng isang baboy.

Xenotransplantation ang tawag sa ganitong operasyon. Ang paglilipat ng isang organ o lamanloob ng isang hayop sa isang tao. Isa itong alternatibong procedure na isang siglo nang pinag-aaralan ng mga dalubhasa sa medisina at agham dahil kokonti ang nakukuhanan ng human organ pero lubhang napakarami ng nangangailangan ng mga ito. At napakarami na ang namatay sa paghihintay ng human donor.

Maraming puwedeng isipin hinggil sa ganitong operasyon. Asahan nang may mga positibo at negatibong opinyon hinggil dito.  Maaaring hindi madaling tanggapin ito ng sinuman pero, sa isang nabibingit sa kamatayan, isa itng nakakapagbigay ng pag-asa. Sabihin nang hindi naman sa ordinaryong baboy kinuha ang puso na inilipat sa tao. Genetically-modified iyon o yaon bang gene ng baboy na “niluto” at “binago” ang selula sa isang laboratoryo. Bukod diyan, kahit hindi idinetalye sa mga ulat, tiyak na aabutin ng milyon ang halaga ng ganitong operasyon na karaniwan nang nangyayari sa mga operasyon sa puso. Kailangang mapera ka  para magkaroon nito. Paano kung wala kang pambayad?

Natural na hindi ito matatanggap  ng mga taong ang relihiyon ay kontra sa pagkain at paggamit ng anumang bagay na nauukol sa baboy. Hindi na rin kataka-taka kung kokontra rin dito ang mga vegetarian at animal right advocate.

Pero paano nga ba kung buhay ng isang tao ang nakasalalay? Nabibingit sa kamatayan ang isa mong mahal sa buhay dahil sa sakit sa puso. At tangi na lang paraan ay palitan ito ng puso ng hayop, para mapalawig ang kanyang buhay.  Isa itong malalim na palaisipan  kung buhay ang nakataya. Puwedeng isiping, malay natin, baka makatuklas pa ng ibang paraan ang mga scientist, doktor at ibang mga dalubhasa nang hindi kailangang gumamit ng lamanloob ng hayop. Abangan!

Email: [email protected]

vuukle comment

PORK

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with