^

Punto Mo

Malungkot na statistics

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Philstar.com

MAY dalawang malungkot na statistics. Una, nararanasan ngayon ng Pilipinas ang pinakamalubhang pagbagsak ng ekonomiya simula nang matapos ang digmaang pandaigdig noong 1946. Ikalawa, ang Pilipinas ay nasa ika-79 na puwesto mula sa 98 mga bansa, sa punto ng epektibong pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa pag-aaral ng World Bank, noong nakaraang taon, isa sa bawat apat na dating may trabaho ay nawalan ng trabaho, at isa sa bawat tatlong pamilya’y nakaranas ng pagkagutom. Kung sabagay, hindi na kailangan ng karaniwang mamamayan na marinig ang resulta ng mga lokal at pandaigdigang survey para maniwalang bagsak ang ating ekonomiya, sapagkat sila mismo ang nakararanas nito araw-araw.

Sa survey ng Lowy Institute tungkol sa effectiveness ng mga hakbang na ginawa ng mga gobyerno para harapin ang COVID-19 pandemic, ang Pilipinas ay pang-79 sa 98 mga bansang ginawan ng pag-aaral. Meron naman tayong pa-consuelo de bobo, sa Southeast Asia ay tinalo natin ang Indonesia na pang-85. Tinalo rin natin ang India na pang-86, at ang US, isang world power, pang-94. 

Wala naman pala sa dami ng pera ang labanan. Mayaman ang US, pero bagsak sa kahusayan ng pagtugon. Sa buong mundo, ang nangunguna sa mahusay na pagtugon ay ang New Zealand, isang mayamang bansa. Pero heto ang nakakagulat, ang pumapangalawa sa mahusay na pagtugon ay ang Vietnam, na isa ring mahirap na bansa na katulad natin. Hindi natin puwedeng ikatwiran na mahina ang ating pagtugon, sapagkat mahirap tayo. Ang katwirang ito’y pinabulaanan ng Vietnam.

Ano ang mayroon sa Vietnam na wala tayo? Wala tayong epektibong pamamahala. Kulang tayo sa mga lider-gobyerno na mataas ang kredibilidad at pinaniniwalaan ng publiko.  Mahina ang koordinasyon ng iba’t ibang sangay ng gobyerno. Mabuway ang ating pagkakaisa bilang isang bansa. Kapos tayo sa disiplina.

Ang dalawang malungkot na statistics ay dapat ituring ng gobyerno na isang positibong hamon, sa halip na ibilang na isang mapamuksang kritisismo. Ito’y dapat magpakilos sa buong makinarya ng gobyerno para pagbutihin ang mga pagkilos.

Gayunman, ito’y paalala rin sa lahat ng mamamayang Pilipino.  Hindi natin puwedeng iasa lahat sa gobyerno. Bawat isa sa atin ay may responsibilidad. Matuto tayong magtipid, huwag gagastos nang higit sa kinikita. Minsan, tinanong ang bilyonaryong si Henry Ford kung ano ang sikreto ng pagyaman.  Simple ang kanyang sagot, “Huwag gagastos nang higit kaysa kinikita.” Idaragdag ko, huwag bibilhin ang anumang bagay na hindi naman talaga kailangan.

Bukod sa pagtitipid, kailangang mag-impok. Ang pag-iimpok ay kailangang isama sa budget sa gastusin para siguradong may maiimpok, sa halip na maghintay lamang kung may matitira sa kinikita. Gawin ang pag-iimpok bilang isang paraan ng pamumuhay. May kasabihan tayo na kapag may isinuksok, may madurukot.

Tungkol sa COVID-19 pandemic, gawin natin ang ating responsibilidad, may nakakakita man o wala. Magsuot ng face mask o kaya’y face shield.  Laging maghugas ng kamay.  Isagawa sa lahat ng pagkakataon ang social distancing. Iwasan ang maramihang pagtitipon.

Bakit epektibo ang pagtugon ng New Zealand at Vietnam sa COVID-19 pandemic? Ang isang napakahalagang factor ay ang disiplina ng mga mamamayan. Dito nakasalalay ang ating tagumpay. Wika nga ni Plato, “Ang pangunahin at pinakamataas na tagumpay ay ang pagsupil ng tao sa kanyang sarili.” Sa labanang ito, lahat tayo’y kasali!

 

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with