Matandang Tinali (100)
KAYA pala walang sumasagot ay dahil walang tao!
Tiyak na magtatagal dahil ikinandado ang pinto at pati ang mga bintana ng kubo ay sarado.
Saan kaya nagpunta ang babae?
Kung kailan siya nakahandang magpakilala at kabisado na ang mga sasabihin ay saka naman wala. Sayang! Panibagong pagkakabisa na naman sa mga sasabihin niya.
Malamang na mabulol na naman siya kapag nagpakilala sa babae. Nasira kasi ang plano.
Parang ayaw siyang bigyan ng pagkakataon na makilala ang babae. Laging may hadlang.
Ipinasya ni Dong na umuwi na. Hindi siya maghihintay sapagkat hindi niya alam kung babalik o hindi ang babae.
Magsasayang lamang siya na panahon sa paghihintay. Palilipasin muna niya ang isang linggo o mahigit pa bago pumunta muli sa kubo ng babae. Sa ngayon, ang aasikasuhin muna niya ay ang kanyang gulayan na pawang namumunga na gaya ng talong, okra at kamatis. Pati ang kanyang kalabasa at upo ay sagana na rin sa bunga.
Kinabukasan, maaga niyang dinilig ang mga gulay. Mahirap kapag inabot ng ma-tinding sikat ng araw. Masakit sa balat ang init.
Bigla niyang naisip, magtanim kaya siya ng pakwan. Tamang-tama ang init ng panahon. Maaa-ring magtagumpay siya sa pakwan.
Kinahapunan, nililinis niya ang tataniman ng pakwan nang may tumawag sa kanya mula sa malayo.
“Dong! Dong!”
(Itutuloy)
- Latest