^

Punto Mo

Naipagtapat kaya ng kanyang Ama

DIKLAP - Ms. Anne - Pang-masa

… kung sino ang totoong magnanakaw?

NAGPAPLANO ng class reunion ang aming elementary batch ngayong 2018 kaya’t bumuo ang aking batchmate ng group chat sa Facebook. Pagkatapos akong i-add ng admin, ako ay nagpasalamat sa kanya. Makikita ang pangalan ng nakabasa sa aking message—“seen” followed by a name . Bawat panga­lan na nag-a-appear sa “seen” ay nakatuwaan kong silipin ang account upang tingnan ang profile picture. Curious ako kung ano na ang hitsura nila ngayon. May isang pangalan at profile picture na pamilyar sa akin. Hindi nabago ang kanyang mukha. Medyo tumanda nga lang pero ganoong-ganoon pa rin ang kanyang hitsura. Maiden name niya ang ginamit na account name. Nakatitiyak ako, siya ang batang nagtsismis noon na ang tatay ko raw ay magnanakaw.

Hindi ko ka-section ang taong ito. Ka-section niya ang      aking bestfriend at ito ang nagparating sa akin ng pinagsasasabi ng taong ito. Ang tatay namin ay parehong pulis sa aming bayan. Ang kanyang ama ang chief of police. Ang aking ama ay nasa loob ng opisina lagi dahil siya ang radio operator. Sa opisinang iyon nakatago ang mga  baril na iniiwan ng mga pulis na naka-vacation or sick leave. Sa harapan ng opisina ay selda ng mga preso.

Minsan nawala ang isang baril sa taguan. Si Tatay kaagad ang itinuro ng chief of police. Sigurado raw siya dahil nakita ng isang preso ang pagnanakaw ni Tatay. Ang preso ang kinuhang testigo laban sa aking ama. At may dagdag pa sa script. Nalaman daw ni chief of police na ibinenta ni Tatay ang baril sa kanyang best friend. Nandamay pa ng personalidad. Ang pinagbintangang buyer ay may-ari noon ng electric company na nagsusuplay ng kuryente sa ilang bayan sa aming probinsiya. Kung mayaman ka, bakit ka bibili ng nakaw samantalang maraming legal na tindahan ng baril noong bago mag-Martial Law.

Duda ang mayor namin sa kuwentong kutsero kaya lihim itong humingi ng tulong sa NBI. At hayun, si chief of police pala ang nagnakaw. Ang presong bulaang testigo ay kanyang anak sa kasal. Sa harapan ng bakuran ng preso nahukay ang baril na ninakaw. Inilagay muna sa garapon at saka ibinaon.

Mabait pa rin ang mayor. Pinapili ang chief of police: manatili sa puwesto habang dinidinig ang kaso o hahayaang tanggalin siya sa serbisyo at hindi na sasampahan ng kaso. Pinili nito ang huli. Marami ang nagpapayo kay Tatay na sampahan ng kaso ang mga nagbintang para linisin ng kanyang pangalan. Nanahimik na lang kami. Una, wala kaming pambayad sa abogado. Pangalawa, sa umpisa pa lang, sadyang malinis na ang pangalan namin. Kaya walang dumi na dapat tanggalin.

Pareho nang pumanaw ang aming mga ama. Bago namatay ang ama ni Batchmate, nalaman kaya niya na ang tunay na magnanakaw ay ang kanyang ama?

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with