^

Punto Mo

Bahagi ang tonsil ng immune system

DOCTOR’S TOUCH - Dr. Luis Gatmaitan M.D - Pang-masa

DAHIL sa madalas na pamamaga ng tonsil ng marami sa atin, madalas ay napagdidiskitahan ito. Ilang ulit ko na ring narinig na gusto nang ipaopera ng ilan ang kanilang mga tonsil. Lagi raw kasing nilalagnat dahil sa tonsillitis. Sa panahon ng Kapaskuhan, kapag nag-iba na ang klima, tiyak na ang ilan sa atin ay tatamaan ng tonsillitis. 

Ang tonsil ay isang pares ng kalamnan na nakakabit sa magka­bilang gilid ng lalamunan. Kung titingnan nang malapitan, may maliliit itong butas na parang strawberries. Iba ito sa nakalawit na laman sa gitnang bahagi ng lalamunan (yung tinatawag nating titilaukan o uvula). Madalas kasing napagkakamalang tonsil ang titilaukan na ito.

Wala nga bang silbi ang mga tonsil na ito?

Mayroon. Bahagi ang mga tonsil ng ating immune system. Kapag may nakapapasok na mik­robyong strep sa ating lalamunan na ang target ay sirain ang puso at bato (kidney), agad itong hinaharangan ng mabubunying tonsil. Pipilitin nitong i-trap ang mga masasamang strep na ito para hindi sila makapasok sa ating puso’t bato. Dahil dito, namamaga sila. Kumbaga, nagpakabayani ang mga tonsil na ito kaya sila namaga. Isinakripisyo nila ang kanilang sarili para hindi makapanira sa puso at bato ang mga pesteng strep na ito. At siyempre, kapag may pamamaga, nilalagnat tayo at nahihirapang lumunok. Kapag sinilip ang mga tonsil, mapupula ang mga ito, nakaumbok, at may nakakapit na nana (pus). 

Kaya hindi marapat na basta-basta na lamang tanggalin ang mga tonsil kung hindi talaga kaila-ngan. Tapos na ang panahon na napakadalas gawin ang pagtatanggal ng tonsil. Kailangan natin ang mga tonsil na ito para sa maayos na takbo ng ating immune system.

Sa pamamaga ng ating tonsil, ipinaaalala nito sa atin na dapat natin itong daluhan. Para bang sinasabi sa atin na may nakapasok na strep kung kaya’t dapat itong puksain sa pamamagitan ng pag-inom ng antibiotiko. Makatutulong din ang madalas na pagmumumog ng maligamgam na tubig na may konting asin para mabawasan ang nararanasang pamamaga.

Paminsan-minsan, may nababalalak na mga food debris (tinga-tinga ng mga kinain) sa mga butas na nasa surface ng tonsil. Tandaan na maraming maliliit na butas-butas sa surface ng tonsil. Doon minsan naiipon ang mga nahuhulog na food debris. Kalaunan, puwede itong mamuo at lumaki ng kaunti kung kaya’t minsan ay may nakikitang puti na nakakapit sa surface ng tonsil. “Tonsillolith” ang tawag dito at kusa ring natatanggal kalaunan. Hindi naman ito delikado. Kaiba ang mga tonsillolith na  ito sa nana na karaniwang  kaakibat ng bacterial tonsillitis.  

Hindi pahirap ang ating mga tonsil. Regalo ito ng ating Diyos upang mapanatiling maayos ang takbo ng ating immune system. Huwag magalit kapag napansing nananakit na ang ating paglunok. Binibigyan lang tayo ng warning kung kaya’t dapat nang daluhan ito.

Maligayang Pasko sa readers ng kolum na ito. Panatilihing malusog ang katawan sa Bagong Taon!

 

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with