Bakit lumalaki ang tiyan?
SA dami ng diyeta at ehersisyo na aking sinubukan, alam ko na ngayon kung ano ang mga bagay na dapat iwasan. Panahon na para mamulat at baguhin ang bad habits!
1. Regular na pag-inom ng softdrinks. Kahit pa sinasabing Light o Zero calories, isa ‘yan sa salarin kung bakit lumalaki ang baywang! Kung araw-araw umiinom ng soda, mas mabilis lumaki ang waistline kaysa sa mga isang beses sa isang linggo lang uminom. Ang taglay nitong asukal ang salarin kung bakit nagki-crave sa pagkain.
2. Gumamit nang malaking plato kapag kumakain. Kapag mas malaki ang plato mas maraming espasyo para sa pagkain at mas marami kang kinakain. Kaya kung kaya mong sa platito na lang kumain at wala ng pangalawang balik, gawin mo!
3. Pagkain ng disoras na ng gabi. Kahit tulog tayo ay gumagana pa rin ang ating metabolismo, hindi naman dapat matulog nang busog. Bukod sa magreresulta ito sa taba sa bahagi ng tiyan, maaari ka ring magkaroon ng acid reflux at hindi matunawan dahil nakahiga ka na. Wala nang gravity para bumaba ang kinain. Palipasin ang tatlong oras bago matulog.
4. Pagiging emotional eater . Kapag malungkot at galit, nawawala sa sarili at kumakain nang marami? Parang nagkakaroon ng sariling buhay ang kamay at tuloy-tuloy ang pagsubo ng pagkain. Kapag malungkot, ilabas lang sa gym iyan at itakbo. Gagaan ang pakiramdam at timbang!
5. Iwasan ang low-fat! Akala ko ang high o full fat ay nakatataba. Ang avocado, mani at olive oil ay mataas ang good fat content at mainam sa katawan. Dapat iwasan ang mga low-fat dahil dinadagdagan pa ito ng asukal. At kapag mas maraming asukal sa katawan, mas mataas ang tsansang mag-imbak ng taba!
6. Kulang sa tulog. Kapag kulang sa tulog tumataas ang lebel ng hormone na cortisol, ito ang dahilan kung bakit naglalaway para sa matatamis na pagkain na nagpapataba. Matulog nang tama para rin mabalanse ang leptin, ang hormone na kumukontrol sa gutom.
7. Hindi pagkain ng sapat na protina. Dapat nasa 20-25 gramo ng protina ang nakukuha sa bawat meal. Kapag mataas ang protina, nababalanse ang sugar level habang binababa ang insulin para bumilis ang metabolismo o pagtunaw mo ng kinain. Protina rin ang responsable sa pagkontrol sa hormone na nagpapagutom. Kumain ng manok, salmon at itlog. Mababa ang fat pero mataas ang protina.
- Latest















