11 BIFF fighters sumuko sa military
MANILA, Philippines — Labing-isang miyembro ng mga ekstremistang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang boluntaryong sumuko sa tropa ng militar sa Datu Piang, Maguindanao del Sur nitong Martes.
Sa ulat ni Lt. Col. Mark Anthony Tonalejo, Commanding Officer ng Army’s 38th Infantry Battalion (IB), ang 11 BIFF extremists ay sumuko sa kanilang tropa at iprinisinta kay Army’s 601st Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Gremel Brual sa ginanap na seremonya sa kanilang himpilan.
Ayon sa opisyal, lima sa mga nagsisuko ay mula sa mga bayan ng Shariff Saydona Mustapha, apat mula sa Rajuan Buayan at dalawa sa Datu Salibo.
Inihayag nito na siyam sa mga sumurender ay dating miyembro ng BIFF habang ang dalawa pa ay mga kaalyado ng mga teroristang Dawlah Islamiyah (DI).
Sila ay tatanggap ng benepisyo sa ilalim ng Balik-Loob Program ng pamahalaan para sa mga rebelde at bandidong nagbabalikloob sa gobyerno.
- Latest


















