Liderato target ng Choco Mucho

MANILA, Philippines — Solong liderato ang pakay ng Choco Mucho sa pagsagupa sa Farm Fresh sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg sa MOA Arena sa Pasay City.
Haharapin ng Flying Titans ang Foxies ngayong alas-6 ng gabi, habang magkikita sa ala-1 ng hapon ang Nxled Chameleons at Galeries Tower Highrisers.
Magkasosyo sa liderato ang Creamline, Nxled at Choco Mucho sa magkakapareho nilang 2-0 baraha sa itaas ng Capital1 Solar Energy (2-1), Farm Fresh (1-1), Akari (1-2), PLDT (0-2), Galeries Tower (0-2) at ZUS Coffee (0-2).
Pinadapa ng Flying Titans ang Solar Spikers, 22-25, 18-25, 25-17, 25-20, 15-8, at Thunderbelles, 25-20, 25-17, 25-20, habang nagmula ang Foxies sa 19-25, 17-25, 25-23, 25-20, 12-15 pagkatalo sa Chameleons sa huli nilang laro.
Sina Eya Laure, Sisi Rondina, Maddie Madayag, Kat Tolentino, Jai Atienza, Caitlin Viray, setter Alina Bicar at libero Dawn Catindig ang muling aasahan ng Choco Mucho.
Isasalang ng Foxies sina Trisha Tubu, Ces Molina, Mylene Paat-Rezanova, Riri Meneses, setter Louie Romero at libero Maicah Larroza.
Samantala, pakay din ng Chameleons ang solong liderato sa pakikipagtuos sa Highrisers.
Muling sasandalan ng Nxled sina Fil-Am Brooke Van Sickle, Myla Pablo, MJ Phillips, Jackie Acuña, Jonah Sabete-Escamillan at Gel Cayuna.
Sina Erika Deloria, Jean Asis, Aiza Maizo-Pontillas, Gayle Pascual, Lycha Ebon, Shola Alvarez at rookie setter Lams Lamina ang ilalaban ng Galeries Tower.
- Latest






















