3 lolong ‘adik’ timbog sa raid
BATO, Camarines Sur, Philippines — Kalaboso ang tatlong lolo matapos maaktuhang nagdo-droga sa loob ng isang bahay nang salakayin ng mga pulis dahil sa tawag sa “Emergency 911” ng mga pulis sa Zone-3, Brgy.San Juan, Nabua, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na sina alyas “Peter”, 68-anyos; Egay, 64; at Mar, 59-anyos; pawang residente ng bayan ng Bato.
Sa ulat, dakong alas-5 ng hapon isang tawag mula sa 911 ang natanggap ng Nabua Municipal Police Station hinggil umano sa nagaganap na drug session sa naturang lugar.
Alinsunod na sa 5-minute response time strategy ng PNP, mabilis na napuntahan ng awtoridad ang itinurong bahay na may nagdodrogang mga matatanda.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang salakayin at naaktuhang gumagamit ng droga. Nakuha mula sa kanila ang isang sachet ng shabu na may timbang 1-gramo na nagkakahalaga ng P6,800 at aluminum foil na may residue ng droga.
- Latest























