DPWH engineer timbog sa panunuhol sa solon!

MANILA, Philippines — Arestado ang isang district engineer mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Taal, Batangas matapos umanong subukang suhulan si Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste nitong Biyernes.
Sa isang espesyal na operasyon, inaresto si Abelardo Dionglay Calalo, District Engineer ng DPWH Batangas 1st District, ng mga operatiba ng Taal Municipal Police Station sa Brgy. Poblacion Zone 12 sa bayan ng Taal pasado alas-4:30 ng hapon.
Lumalabas na ipinaalam ni Leviste sa mga awtoridad na inalok umano siya ni Calalo ng suhol na nagkakahalaga ng P3,126,900 upang mapigilan siyang magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng mga umano’y iregularidad sa proyekto ng DPWH sa unang distrito.
Isa sa mga narekober na ebidensya ay isang economy bag na naglalaman ng nasabing halaga.
“Hindi natin dapat palampasin ang anumang uri ng katiwalian sa DPWH. Dapat nating igiit ang mga proyektong may mas mataas na kalidad at mas mababang gastos, at obligahin ang mga kontratista na agad ayusin ang anumang depekto nang walang karagdagang gastos sa gobyerno. Higit pa sa kasong ito, itutulak natin ang mas malawak na reporma upang matugunan ang sistematikong mga problema sa DPWH,” pahayag ni Leviste.
Noong Agosto 18, kasama ng bagitong mambabatas ang mga lokal na opisyal at mga inhinyero ng DPWH sa pag-iikot sa distrito upang inspeksyunin ang mga proyektong nasira ng mga nagdaang bagyo sa mga bayan ng Nasugbu, Lian, Tuy, Balayan, Calaca, at Lemery.
Nagbahagi rin si Leviste ng update hinggil sa kasalukuyang pagsusuri sa mga flood control project sa ilang ilog gaya ng Palico, Binambang, at Pansipit, na nasira rin ng mga bagyo.
Nakatakdang sampahan ni Rep. Leviste ng kasong kriminal si Engr. Calalo na nagtangkang manuhol sa kaniya ng mahigit P3 milyon na hinihinalang mula sa kickbacks upang hindi na paimbestigahan pa sa Kamara ang anomalya sa proyekto ng ahensiya sa kaniyang distrito.
Ayon sa tanggapan ni Leviste, ang kaso laban kay Calalo ay ihahain ngayong araw, Agosto 26, sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office.
Samantala, sususpindihin ng DPWH ang nasabing district engineer na inaresto matapos ang umano’y tangkang panunuhol sa isang Batangas Representative kamakailan.
Sa isang kalatas kahapon, tiniyak ng DPWH na labis na nakakabahala ang mga alegasyon laban kay Engineer Abe,’ at hindi nila ito ipagsasawalambahala.
“As public servants, we at the DPWH do not condone any form of misconduct,” ayon sa DPWH. “The individual involved will be relieved of his assignment, and preventive suspension will be implemented.”
- Latest



















