University of Batangas binulabog ng bomb threat

MANILA, Philippines — Binulabog ng bomb threat ang University of Batangas (UB) main campus na nagkansela ng klase nitong Lunes ng umaga sa Batangas City, ayon sa ulat ng pulisya.
Sa report ng Batangas City Police, dakong alas-8:30 ng umaga nang makatanggap ng bomb threat ang pamunuan ng nasabing unibersidad.
Dahil dito, agad kinansela ng administrasyon ng UB ang pisikal na klase ng kanilang mga estudyante maliban na lamang sa College of Law na nagsagawa ng “synchronous classes”.
“Please be informed that all classes will shift to asynchronous mode today, August 18, 2025 except for College of Law which will continue with synchronous classes,” anang anunsiyo ng UB sa kanilang official social media account.
Idinagdag pa rito na ang lahat ng transakyon sa nasabing unibersidad ay sinuspinde rin.
Agad namang nagresponde ang mga personnel ng Batangas City Police, City Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection at Special Weapons and Tactics (SWAT) team para hanapin ang umano’y bomba na nakatanim sa UB campus.
Bunga ng insidente, pinalakas ang seguridad sa buong unibersidad para sa kaligtasan ng mga professor at estudyante nito gayundin sa mga faculty staff.
- Latest




















