Karinderya niratrat: Ina, sanggol patay!

LAGUNA, Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang working student na ina at kanyang 11-buwang gulang na anak na babae habang sugatan ang isa pa nilang kapamilya matapos na umatake at walang habas na mamaril ang apat na armadong lalaki sa loob ng tindahan ng Pares sa San Pablo City ng lalawigang ito noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Col. Jonar Yupio, Laguna police director, ang inang biktima na si Rhea Cuenca Lunar, 30-anyos, working student at Pares vendor na namatay habang ginagamot sa Panlalawigan Pagamutan ng Laguna dahil sa mga tama ng bala sa kanyang kanang balikat at kanang braso habang ang kanyang anak na si Catherine, 11-months old, ay nagtamo ng tama ng baril sa kaliwang bahagi ng axillary at idineklara ring patay sa naturang ospital.
Ang ina ni Rhea na kinilalang si Mercelita Lunar, 56, balo, ay nagtamo naman ng tama ng bala sa kanang binti at ngayo’y naka-confine sa ospital.
Ayon kay Yupio, ang krimen ay kagagawan ng apat na armadong salarin. Aniya, isang suspek ang nagsilbing gunman na may kasamang isa pang armado habang ang dalawa nilang kasabwat ay tumayong look-out sa crime site sa nasabing tindahan sa San Pablo City noong Biyernes dakong alas-7:44 ng gabi.
Sa imbestigasyon, dumating ang gunman at ang kasama nitong driver ng motorsiklo at agad na pinasok ang loob ng ‘Karinderya’ at walang kaabog-abog na pinagbabaril nang malapitan ang mga biktima habang kumakain sila ng hapunan sa kahabaan ng Barangay Gregorio.
Ang gunman at kasama nito ay mabilis na sumakay sa isang motorsiklo patakas patungo sa direksyon ng Maharlika Highway habang ang dalawang look-out ay nagsitakbo rin palayo sa lugar matapos ang insidente.
Ani Yupio, may mga indibiduwal na kabilang ang isang taong posibleng mastermind sa krimen ang kabilang sa mga persons of interest sa krimen. Dagdag pa niya, sinusuri na ngayon ng mga imbestigador ang ilang nakuhang closed circuit television camera (CCTV) footages mula sa entrance at exit point na naka-install malapit sa krimen.
Inaalam na ng pulisya ang motibo ng mga suspek sa pamamaril sa mga biktima.
- Latest



















