Patay sa 6.8 magnitude na lindol, 9 na – NDRRMC

MANILA, Philippines — Nasa 9 katao na ang iniulat na patay sa pagtama ng magnitude 6.8 na lindol sa Davao Occidental noong Biyernes ng hapon.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal nitong Lunes, lima ang nasawi mula sa Sarangani, tatlo sa South Cotabato, at isa sa Davao Occidental na sentro ng malakas na lindol.

Sinabi ng NDRRMC na patuloy ang kanilang validation sa mga nasawi habang nasa 15 ang naita­lang sugatan sa lindol.

Sa datos ng NDRRMC, pumalo na sa 2,489 pamilya o 12,800 indibidwal ang naapektuhan ng pagyanig kung saan patuloy ang pagbibigay nila ng ayuda at ng Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD).

Nasa 826 na mga bahay na rin ang nasira sa Davao Occidental, Davao Oriental, South Cotabato at Sarangani habang 118 na imprastraktura ang napinsala at 60 na kalsada.

Bagama’t nananatili sa blue alert status, sinabi ni Timbal na unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa mga probinsya na naapektuhan ng lindol.

Samantala, hindi pa rin madadaanan ang Poblacion, New Dumangas at Tampakan Road, South Cotabato dahil sa mga naganap na landslide bunsod ng malakas na lindol, ayon pa sa MDRRMC. 

Show comments