Ahente ng lupa nilikida

STA.MARIA, Bulacan – Patay ang isang babaeng ahente ng lupa matapos na tadtarin ito ng bala ng hindi pa nakilalang armadong salarin sa harap ng kanyang anak sa loob ng kanilang tahanan sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Rogasciano Mercado General Hospital ang biktimang kinilalang si Lilibeth Manuel, 44 anyos ng Brgy. Lalakhan sa bayang ito.

Base sa imbestigasyon ni SP01 Jerry Villamor dakong alas-6:30 ng gabi habang nasa loob ng kanilang bahay ang biktima at masayang nakikipag-usap sa kanyang 14-anyos na lalaking anak na biglang sumungaw mula sa kanilang bintana ang isang lalaki.

Agad pinaputukan ng pitong beses ng suspek ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na agad nitong ikinabulagta.

Lumabas naman ng kanilang tahanan ang binatilyo para humingi ng tulong at nakita pa nito ang isang lalaking nakasuot ng helmet na nagsilbing backup ng salarin at isa pang tricycle na sakay ang dalawa pang lalaki na mabilis na nagsitakas.

Samantalang pinaputukan rin ng mga suspek ang binatil­yo at masuwerteng hindi naman ito tinamaan. Ang kaso ay iniimbestigahan na ng pulisya

Show comments