Magkakosa sa krimen pinabulagta

BOTOLAN, Zambales, Philippines – Niratrat at napatay ang magkakosa sa krimen matapos tambangan ng mga ’di-kila­lang lalaki sa bahagi ng Sitio Alamac, Barangay Carael sa bayan ng Botolan, Zambales noong Lunes ng gabi.

Kinilala ni Zambales PNP director P/Senior Supt Francisco Santiago Jr. ang dalawa na sina Lester “Boyet” Saga-oc, 35; at Isagani “Pukol” Bautista, kapwa nakatira sa Barangay Panan, Botolan.

Sa ulat ni P/Senior Insp. Michael Chavez, hepe ng Botolan PNP, duguang nakalugmok ang dalawa sa loob ng owner-type jeep (TBP 250).

Narekober sa crime scene ang stainless owner-type jeep ni Saga-oc, leather belt bag na naglalaman ng cal .45 pistol na may limang bala, apat na bala ng cal. 9mm., 2-mobile phone, at P27,850 cash.

Sa tala ng pulisya, si Saga-oc ay may nakabinbing tatlong warrant of arrest mula sa tatlong RTC sa mga kasong murder, attempted murder, at robbery.

Nabatid din na si Saga-oc ay sinasabing lider ng Saga-oc Gang na sangkot sa serye ng krimen sa nasabing lalawigan.

Show comments