CAMP SIMEON OLA, Legapi City, Philippines – Napaslang ang isang barangay chairman at barangay treasurer matapos ratratin ng mga armadong kalalakihang lulan ng motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa Barangay Tuburan sa bayan ng Cawayan, Masbate noong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang mga napatay na sina Chairman Jose Pepito, 45; at Treasurer Perlito de Leon, 26, kapwa nakatira sa Barangay Liong sa bayan ng Cataingan.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Jeffrey Fernandez, lumilitaw na pabalik na sa kanilang barangay ang dalawa lulan ng motorsiklo mula sa bangko sa Masbate City nang dikitan at pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen.
Ayon sa pulisya, hindi pagnanakaw ang motibo ng gunmen dahil hindi tinangay ang P.2 milyong honorarium ng barangay na dala ng mga biktima na winidraw sa banko sa Masbate City.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga operatiba ng pulisya sa kasong kung saan isa sa anggulong sinisilip ay politika.