9-anyos sinuwag ng bus, buhay; nakipaglaro pa

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines   – Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang 9-anyos na nene na sinasabing tumilapon pa ng ilang metro matapos suwagin ng pampasaherong bus sa bayan ng Bagabag, Nueva Vizcaya kamakalawa.

Animo’y binalot ng kapangyarihan ang batang babae na si Sheryl Joyce Ablang ng Sitio Tapaya, Barangay Villarose na walang anumang galos at pinsala sa katawan matapos ang insidente.

Ayon sa ulat, aksidenteng nabundol ng AJA Bus Line (DWF726) ang biktima matapos tumawid sa national highway ng Barangay Villarose kung saan tumilapon pa ito sa lakas ng pagkakabangga.

Dahil sa takot na baka kuyugin at gulpihin ng taumbayan ang drayber ng bus na si Charlie Manaya dahil sa naganap na sakuna at inakalang patay na ang bata ay dumiretso agad ito sa himpilan ng pulisya para sumuko at ipagbigay alam ang insidente.

Agad naman na nakipag-ugnayan ang pulisya sa ilang ospital para alamin ang kalagayan ng bata at tinungo rin ang pinangyarihan ng sakuna upang magsagawa sana ng imbestigasyon.

Subalit tila tahimik ang nasabing lugar at walang palatandaan ng anumang insidente.

Lalong hindi maipaliwanag ang hiwagang bumabalot sa batang nabundol ng bus dahil namataan ng drayber at ilang pulis na nakikipaglaro sa kapwa bata na tila walang nangyari.

Gayon pa man, dahil sa kagustuhan ng drayber na masiguro ang kalagayan at kalusugan ng bata ay agad na dinala sa ospital upang ipasuri.

Subalit ang isailalim sa pagsusuri ng ilang doctor ay walang nakitang anumang pinsala sa katawan ni Sheryl Joyce.

Show comments