4 tiklo sa 500 kilong bomba

BATAAN, Philippines – Apat-katao ang bumagsak sa kamay ng pulisya matapos makumpiskahan ng 500 kilo ng pampasabog at iba’t ibang uri ng materyales na gamit sa paggawa ng bomba sa Barangay Lamao sa bayan ng Limay, Bataan kahapon ng madaling-araw. Kinilala ni P/Inspector Dennis Orbista, ang mga suspek na sina Ricardo “Boknoy” Arcaya, 31; Armando “Dodong” Celeste, 30; Ernesto “Bogie” Paguio, at si Teresita “Tesya” Macapagal. Lumilitaw na nakipagsabwatan ang mga suspek sa isang trabahador ng kompanya na gumagawa ng mga bala para makapagpuslit ng materyales ng pampasabog. Gayon pa man, unang nadakip si Arcaya kaya naituro niya ang iba pang kasamahan. Narekober naman ng grupo ni SPO2 Danny Nazareno ang 562.5 kilong ammonium nitrates na nakabaon sa damuhan may ilang metro ang layo sa pabrika ng bala. Nasabat din ang ilang materyales ng bomba sa bahay ni Macapagal.

Show comments