2 sundalo dinukot ng NPA

MANILA, Philippines - Dalawang sundalo ng 25th Infantry Battalion ng Phil. Army ang dinukot ng mga rebeldeng New People’s Army sa bahagi ng Sitio Mabatas, Barangay Upper Ulip sa Compostela Valley kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni P/Senior Supt. Aaron Aquino, hepe ng Compostela Valley PNP, ang dalawa na sina Staff Sergeant Bienvinido Arguilles, at Job Latiban ng Citizen Armed Forces Geographical Unit.

Nabatid na magkaangkas sa motorsiklo ang dalawa patungong Sitio Depot sa Brgy. Diwalwal nang harangin ng grupo ni Kumander Janggo ng Pulang Bagani Company 5. Kasalukuyang nagsasagawa na ng operasyon ang mga sundalo para mailigtas ang dalawa.

Show comments