MANILA, Philippines - Dalawang armadong lalaki na sinasabing notoryus na miyembro ng holdap gang ang iniulat na napatay matapos na makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bisinidad ng Barangay Batino sa Calamba City, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay P/Senior Supt. Manolito Labador, director ng Laguna police, naganap ang shootout sa kahabaan ng Batino at Mapayapa Road sa nabanggit na barangay dakong alas-2:30 ng madaling-araw.
Lumilitaw na nakatanggap ng flash alarm ang Ca lamba PNP hinggil sa snatching ng bag na kinasasangkutan ng dalawang armadong lalaki na lulan ng motorsiklo.
Agad naman nagresponde ang mga tauhan ng pulisya lulan ng mobile car kung saan naispatan ang dalawa na lulan ng motorsiklo.
Gayon pa man, sa halip na sumuko matapos makorner ng mobile patrol car #09 ay pinaputukan ng mga suspek ang kaliwang windshield ng police car na humantong sa shootout.
Sa kasagsagan ng putukan ay duguang bumulagta ang dalawa na pawang inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Narekober sa crime scene ang isang cal. 45 pistol, isang patalim, motorsiklo at ang handbag na tinangay mula sa kanilang biktima. Joy Cantos at Arnell Ozaeta