14 dayuhan tiklo sa puslit na baril

MARIVELES, Bataan, Philippines – Inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Bataan Provincial Police Office, mga tauhan ng Bureau of Custom at mga elemento ng Mariveles Police Office ang kapitan ng barkong MV Captain UFOK at 13 Geor­gianian National maka­raang pumasok nang iligal at makumpiskahan ng mga baril sa karagatang ba­hagi ng Barangay Poblacion ng bayang ito kamakalawa ng hapon.

Ang mga suspect ay kinilala ni Bataan Police Director Senior Superintendent Manuel Gaerlan na sina Lawrence John, African National at chief captain ng naturang barko saman­talang ang mga Georgianian National ay kinabibilangan nina; Ver­zadze Skalva, Be­janidze Socha, Ortkanidze Eduard, Shansvili George, Makak­madze Tamaz, Lor­tax­pha­nidze Temur, Malak­madze Albert, Bakhtadze Rodam, Diasamidze Gia, Maka­radze Gia, Mskha­ladze Damir, Pogosyan Valentin at Mak­haradze Temure.

Nauna rito, dakong alas-2:15 ng hapon nang mapan­sin ng isang ma­ngingisda ang barko na nakadaong may 100 metro ang layo sa harap ng Municipal Hall ng Mariveles. Agad niya itong ipinaalam sa mga tauhan ng Customs at Mariveles Police.

Natuklasan kinalaunan ng mga awtoridad sa loob ng barko ang limang pira­song kahong kahoy na naglala­man ng may 50 pirasong Israel-made Galil assault rifle at assorted military accesso­ries.

Sinabi ni Gaerlan ang mga suspek ay sinam­pahan na ng kasong illegal possession of firearms, gun smuggling at pagla­bag sa Custom tariffs and Code of the Phillipines. Pansa­mantalang naka­ piit ang mga ito sa Bureau of Immigration. (Jonie Capalaran)

Show comments