Kapitan, crew ng M/B Commando 6 tugis

BATANGAS CITY, Philippines – Ma­tapos lumubog sa karagatan ng Batangas ang ferry boat na M/B Commando 6 na nagresulta ng pagkamatay ng 12 katao, pinaghahanap na ngayon ng mga tauhan ng Batangas Coast Guard ang kapitan at mga crew na sinasabing nagtatago para sumailalim sa imbestigas­yon.

Ayon kay Lt Commander Troy Cornelio, Batangas Coast Guard Commander, ipi­napatawag nila ang kapi­tan ng motorized bangka na si Melito Anilao kabilang na ang apat na tripulante.

Nabatid na lumabag sa patakaran ang mga tripu­lante ng nasabing bangka matapos mag-overload ng 60 pasahero na dapat la­mang ay 42-katao.

Napag-alamang nagta­tago ang mga tauhan ng na­banggit na bangka na pag-aari ng Ilagan Shipping Lines matapos maganap ang trahedya sa may Malaji­bomanok Point, siyam na nautical miles ang layo sa Puerto Galera noong Saba­do ng umaga.

Sinuspinde na rin ng Maritime Industry Authority (Marina) at ng Philippine Coast Guard ang license to operate ng nasabing shipping lines habang nagsasa­gawa ng masusing imbesti­gasyon.

Sasailalim sa inspeksyon ng Marina ang mga bangka ng nasabing shipping lines na M/B Commando 4, 7, 8, 9, M/B Lady Rhealine, M/B Lady Rhelaine Express at ang M/B After Dark kung saan da­ dalhin sa Minolo Port, Puerto, Oriental Min­doro.

Kabilang sa mga nasawi sa trahedya ay sina Franco Eugenio, 3; Anton Cruz, 2, kapwa taga White Plains, Quezon City; Gregonia Pablico, 58; at Albino Pab­lico, 55, ng Sta Cruz, Manila; Beta Berdin, 2; at Melanie Berdin ng Sta Mesa, Manila; Desiree Teodoro, 20, ng Taytay, Rizal; Joena Perez, 25, ng Batangas; Nina Ricci Cads ng Rizal; Daisy Euge­nio ng Quezon City; Hoso­tani Shoji, 50, Japanese national at isang nakilala lamang na yaya Tess.

Matatandaang bandang alas-11 ng umaga nang lu­mayag ang M/B Comman­do 6 mula sa pantalan ng Batangas patungong White Beach sa Puerto Galera nang masira ang katig nito dahil sa lakas ng alon at ha­ngin hanggang sa tuluyang lumubog. Dagdag ulat ni Mer Layson

Show comments