Doktor namaril sa himpilan ng pulisya

CAVITE – Matinding tension ang naganap sa loob ng himpilan ng pulisya sa Bacoor, Cavite makaraang mamaril ang isang doktor na ikinasugat ng isang tauhan ng pulisya at nalagay naman sa kritikal na kondisyon ang anak ng una kahapon ng madaling-araw.

Kasalukuyang nasa St. Dominic Hospital dahil sinumpong ng high blood pressure ang namaril na si Dr. Cesar Cabrera Sr., ng Barangay Mabolo 1, Bacoor, Cavite. Habang kritikal naman ang anak nitong si Cesar Cabrera Jr., na tinamaan sa tiyan matapos na lumagos ang bala ng baril sa palad ng sugatang si SPO4 Noel Enriquez.

Base sa imbestigasyon, dinala ng dalawang miyembro ng Bantay Bayan Task Force si Cesar Jr., sa himpilan ng pulisya dahil sa reklamong pambabastos at pagbabanta.

Nang makarating sa kaalaman ni Dr. Cabrera ang insidente ay tinungo nito ang himpilan hanggang sa makaharap ang dalawang kasapi ng task force na sina Benito Laguiadao at Cesar Saballa.

Nagkaroon nang mainitang pagtatalo hanggang sa magbunot ng baril ang doktor at magpaputok na tumama naman sa palad nang umaawat na si SPO4 Enriquez.

Dahil sa naganap na insidente ay inatake ng hypertensyon ang doktor matapos na makita ang kanyang anak na duguang bumulagta dahil sa balang lumagos sa palad ni SPO4 Enriquez. (Ulat nina Cristina Timbang at Lolit Yamsuan)

Show comments