4 lunod sa beach

NASUGBU, Batangas – Apat na sibilyan ang iniulat na nasawi makaraang malunod sa beach resort na sakop ng Apacible Blvd., Barangay Wawa, Nasugbu, Batangas kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina: Abdul Reagan Abu Guanday, 44, ng 130 Cotabato St., Culiat, Tandang Sora, Quezon City; Johnny Gallardo,7, Mark Anthony Simbulan, 18; Gidith Marquez, 28, na pawang residente ng Lower Bicutan, Taguig.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ang mga biktima ay nagkaroon ng family excursion sa nabanggit na barangay.

Bandang alas-3 ng hapon ay magkakasamang naligo ang mga biktima sa Holiday Beach Resort, samantalang si Guanday naman ay namataang naliligo sa katabing Maligaya Beach Resort bandang alas11:30 ng umaga

Kahit malakas ang buhos ng ulan at hangin ay naligo pa rin ang mga biktima at sa hindi inaasahang pagkakataon ay tinangay ng malaking alon ang mga biktima kaya napadpad sa malalim na bahagi ng naturang lugar hanggang sa mawala.

Narekober naman ang mga bangkay ng biktima na nakalutang may ilang metro ang layo sa naturang beach resort. (Ulat nina Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)

Show comments