1 pang bangkay ng nalunod na mangingisda narekober

Legazpi City – Ipinatigil na ng Phil. Coast Guard (PCG) ang search and rescue operations matapos na marekober na ang bangkay ng isa pang mangingisda na napaulat na nawawala makaraang aksidenteng lumubog ang sinasakyan ng mga itong bangka sa karagatan ng Camarines Norte kamakailan.

Kinilala ni PCG Bicol Commander Lorenzo Princesa ang natagpuang bangkay na si Rudy Sale, isang mangingisda mula sa Mercedes, Camarines Norte. Ang lumobo ng bangkay ni Sale ay narekober ng search and rescue team habang lumulutang sa karagatan ng San Miguel Bay kamakalawa.

Nitong Martes ay natagpuan ang bangkay ng kasamahan ng mga itong mangingisda na si Ernesto Vargas sa bahagi naman ng katubigan ng bayan ng Vinzon ng lalawigan.

Sinabi ni Princesa na ‘all accounted’ na ang lahat ng mga lulan ng nasabing lumubog na bangka na hinampas ng malalakas na alon. (Ulat nina Cet Dematera /Ed Casulla)

Show comments