Magkaibigan tinodas ng mag-utol

CAVITE – May posibilidad na balyahan sa larong basketball ang naging ugat para mapatay ang magkaibigan ng mag-utol na lalaki makaraang magkita ang magkabilang panig sa Barangay Anahaw 2, Silang, Cavite kahapon ng madaling-araw.

Nagtamo ng maraming saksak sa katawan ang mga biktimang sina Noel Latila, 21 at Edison Villagonzalo, samantala, nasa kritikal na kondisyon ang kabarkadang si Teejay Cordez, 20, pawang residente ng Barangay Yakal, Silang, Cavite.

Tinutugis naman ang mag-utol na sina Ambet at Arnel Lozano na kapwa residente ng Block 36 Lot 6, Barangay Anahaw 2.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, inabutan ng mag-utol ang tatlo na naghuhuntahan sa panulukan ng naturang lugar at nagkunwaring may itatanong ang isa sa suspek.

Dito na inundayan ng saksak ng patalim ang mga biktima hanggang sa duguang bumulagta ang magkaibigan.

May palagay ang pulisya na nagtanim ng galit ang mag-utol dahil sa naganap na balyahan sa basketball na nakalaro ng mga biktima. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments