Pulis tiklo sa 6 kilo marijuana

NUEVA VIZCAYA – Isang bagitong pulis ang kumpirmadong inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection team ng Nueva Vizcaya makaraang makumpiskahan ng anim na kilong pinatuyong dahon ng marijuana sa isinagawang buy-bust operation noong Sabado ng gabi, Setyembre 6, 2003 sa Purok 2, Barangay Lantap, Bagabag ng nasabing lalawigan.

Naghihimas ng rehas na bakal ang suspek na si PO1 Reniel Longdahon, 31, at miyembro ng Lamut police station sa Lamut, Ifugao.

Base sa ulat ni Police Senior inspector Julieto B. Culili ng NVCIDT, si Longdahon ay nasa PNP watchlist bilang nagpapakalat ng bawal na droga sa kanilang barangay at karatig pook.

Matapos na matanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa masamang gawain ni Longdahon ay isinailalim ito sa pagtitiktik hanggang sa maging positibo.

Agad na nagsagawa ng buy-bust operation sa pamumuno nina P/Senior Inspector Jaime de Vera at Police Inspector Carmelita Bacena kaya nakorner ang suspek.

Nakumpiskahan ng anim na kilong pinatuyong dahon ng marijuana na nakasilid sa kulay asul na bag at nakatakdang ipagbili at motorsiklong may plakang AF-3299 na pinaniniwalaang ginagamit sa pagtutulak ng bawal na droga.

Inamin naman ng suspek na ang anim na kilong marijuana ay nakumpiska niya mula sa nahuling tulak noong taong 2002 sa bayan ng Hungduan, Ifugao. (Ulat ni Victor P. Martin)

Show comments