Granada sumambulat sa inuman, 8 sugatan

CAMP AGUINALDO – Walong katao ang nasugatan makaraang aksidenteng sumabog ang isang fragmentation grenade habang nag-iinuman ang isang grupo ng mga elemento ng CAFGU Active Auxiliary (CAA) sa Kolambugan, Lanao del Norte kamakalawa.

Kinilala ang mga biktima na sina CAA Francisco Sosima, 31, na nasugatan sa leeg, may-ari ng granada; Maximo Bolongan, 19 at ang mga sibilyang sina Rosario Pargari, 15; Wendell Bolasco, 31; Ernio Gabilan, 40; Roldan Porkare, 18; Rodrigo Aldamia Bitasalo, 25 at Eddie Sosima Bitasolo.

Ang mga biktima ay mabilis na isinugod sa Kolambugan District Hospital para malapatan ng lunas.

Batay sa ulat, ang insidente ay naganap dakong alas-5:10 ng hapon sa Brgy. Pantar sa bayan ng Kolambugan.

Napag-alaman na kasalukuyang nag-iinuman ang grupo nina Sosima nang aksidenteng mahulog ang nakasukbit na fragmentation grenade sa katawan nito.

Isang malakas na pagsabog ang narinig na ikinasugat ng mga biktima bunga ng insidente.

Narekober sa lugar ang isang safety lever ng pin sa sumabog na apple-type grenade at mga shrapnel. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments