4 anyos pinatay sa sakal ng pinsan

GUIGUINTO, Bulacan — May posibilidad na matinding galit at paghihiganti ang naging ugat para patayin ang isang apat-na- taong gulang na batang lalaki ng sariling pinsang babae makaraang sakalin ng panyo habang naglalaro ang biktima sa bahay na sakop ng Barangay Pritil sa bayang ito kamakalawa ng umaga.

Ang biktima na nakalawit pa ang dila nang nadiskubre ay nakilalang si Al Francis Mendoza, samantala, nadakip naman ang suspek na si Rachelle Ann Javier na kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Sa isinumiteng ulat kay P/Sr. Insp. Joselito Sta. Teresa, chief of police ng bayang ito, nagtanim ng matinding galit ang suspek sa ama ng biktima dahil sa pakikialam nito sa pagsasama nila ng live-in partner.

Napag-alaman pa na hiniwalayan ng live-in partner ang suspek na naging dahilan para masiraan ng bait at malimit na mamataang nagsasalita na mag-isa.

Bandang alas-8 ng umaga nang makita ng suspek ang biktima na naglalaro kaya dito niya ibinuhos ang galit.

Ayon pa sa pulisya, itinago ang bangkay ng biktima sa ilalim ng papag at tinakpan ng kumot bago nagtungo ang suspek sa kumalas na live-in partner at ipinaalam ang pangyayari.

Dito na ipinagbigay-alam ng live-in ng suspek ang pangyayari sa mga awtoridad kaya nakita ang nawawalang biktima. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments