Estudyante dinedo ng karibal

MILAGROS, Masbate – Isang 17-anyos na estudyanteng lalaki ang iniulat na pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng kanyang kaklase sa compound ng eskuwelahan dahil sa panliligaw ng biktima sa nililigawan din ng kaklase ng huli kamakalawa ng tanghali sa Brgy. Cayaban sa bayang ito.

Ang biktima na naisugod pa sa Milagros District Hospital ay nakilalang si Jerwin Briol, binata ng Brgy. Tinaclipan, samantala, ang suspek na mabilis na tumakas ay nakilalang si Jerome Condido, 18, binata ng Brgy. Tawad at kapwa mag-aaral sa Masbate School of Fisheries.

Ayon sa pulisya, naganap ang krimen dakong alas-12:30 ng tanghali sa compound ng nabanggit na eskuwelahan matapos na kumain ng pananghalian ang biktima.

May palagay ang pulisya na magkaribal ang dalawa sa panliligaw sa dalagang kaeskuwela at panibugho ang naging dahilan ng krimen. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments