SULYAP BALITA

Army vs NPA: 4 patay
CAMP AGUINALDO – Apat sa sampung miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napaulat na nasawi makaraang makasagupa ang dalawang grupo ng 73rd Infantry Battalion ng Phil. Army sa Sitio Dumalugdog, Barangay Malamba, Marilog, Davao City kamakalawa ng umaga.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, naganap ang engkuwentro dakong alas-8:45 ng umaga habang nagsasagawa ng combat patrol ang tropa ng militar.

Isa lamang na bangkay ang narekober ng militar, samantala, ang tatlo ay binitbit ng kanilang kadre sa pamumuno ni Ka Igor sa pagtakas na pinalalagay na marami pa ang nasugatan. (Ulat ni Joy Cantos)
Ex-CAFGU itinumba ng NPA
SAN ILDEFONSO, Bulacan – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang dating miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ng mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) habang nakikipag-usap sa ilang kaibigan sa Barangay Pala-Pala sa bayang ito kamakalawa ng umaga.

Si Renato Reyes, 42, may asawa ay nilapitan at itinumba ng tatlong rebelde saka nagsitakas sakay ng isang tricycle patungo sa hindi nabatid na direksyon.

May palagay si P/Sr. Supt. Edgardo Acuña, Bulacan PNP provincial director na ang pagiging CAFGU ng biktima ay isa lamang sa naging motibo ng krimen ngunit sinisilip pa ng pulisya ang ilang anggulo. (Ulat ni Efren Alcantara)
P.1-M bahay ng ex-mayor naabo
TALAVERA, Nueva Ecija – Tinatayang aabot sa halagang P.1 milyong ari-arian ang tinupok ng apoy matapos na masunog ang bahay ni dating Talavera Mayor Bonifacio de Jesus sa Maestrang Kikay ng bayang ito kamakalawa ng hapon.

Kaagad namang ipinagbigay-alam ni Don de Jesus, 30 ang pangyayari sa mga awtoridad at mabilis namang nagresponde ang Talavera at Cabanatuan fire trucks hanggang sa maapula ang sunog dakong alas-5 ng hapon may isang oras lamang matapos lamunin ng apoy ang buong bahay.

Napag-alaman na upos ng sigarilyong may baga na itinapon ng katulong ang pinagmulan ng apoy. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)
Dalaga pinilahan ng 5 adik
TABACO CITY – Isang dalaga na naglalakad papauwi ang hinarang saka pinilahang halayin ng limang adik sa Barangay San Miguel sa lungsod na ito kamakalawa ng hatinggabi.

Ang biktima na sinamahan ng ina na dumulog sa himpilan ng pulisya ay itinago sa pangalang Jenjen, samantala, ang mga suspek na ngayon ay tinutugis ay nakilalang sina Isagani Buela, Rolando Buela, Johnny Bien, Miguel Bongcay at Edel Borbe na pawang residente ng nabanggit na barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ang biktima ay ginabi sa pag-uwi at natiyempuhan naman ng mga suspek na lango sa droga na gawan ng maitim na balak na naganap dakong alas-12 ng hatinggabi. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments