Pamilya inambus; 2 patay, 2 grabe

CAMP OLIVAS, Pampanga — Dalawa katao ang kumpirmadong nasawi, samantala, dalawa pa ang malubhang nasugatan makaraang tambangan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan ang sinasakyang Isuzu Elf ng mga biktima sa kahabaan ng Brgy. Sta. Lucia, Sta. Ana sa bayang ito kamakalawa ng hatinggabi.

Kinilala ng pulisya ang dalawang nasawing biktima na sina Vivencio Flores, 35, at Jaime Flores, 44, samantala, ang dalawa na kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon ay sina Alfonso Flores, 51, at Maritess Flores, 31, na pawang residente ng Brgy. Esmeralda, Balungao, Pangasinan.

Sa ulat na nakarating kay P/Sr. Supt. Ismael Rafanan, Pampanga PNP provincial director, naganap ang pananambang dakong alas-12 ng hatinggabi sa nabanggit na barangay.

Napag-alaman na lulan ng Isuzu Elf (NWF-747) ang pamilya Flores nang biglang harangin ng sasakyan truck ng mga suspek bago nagsibabaan.

Nabatid na lumapit pa ang mga killer sa sasakyan ng mga biktima saka pinaulanan ng bala ng baril at nagsitakas sa direksyon ng Candaba, Pampanga. (Ulat ni Erickson Lovino)

Show comments