Mag-utol itinumba ng NPA

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang magkapatid na itinuturong informer ng pulisya at militar matapos na matiyempuhan ng dalawang armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng hit squad ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isang liblib na lugar sa Pambujan, Northern Samar, ayon sa ulat kahapon.

Kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan at dead-on-the-spot sa insidente ang mga biktimang sina Renato Surio, 25 at ang nakababata nitong kapatid na si Gerry Surio, 17.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong alas-6:30 ng gabi sa Sitio Bajoy, Brgy. Cagbigajo, Pambujan, Northern Samar.

Narekober ng mga nagrespondeng elemento ng Pambujan Municipal Police Station (MPS) sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng 9 MM caliber pistol na siyang ginamit ng mga suspek. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments