Mga pamilihan sa Antipolo nakaambang ipasara

ANTIPOLO CITY – Binalaan kahapon ng pamahalaang lungsod ang mga meat section at mga katayan sa ilang palengke dito na tuluyang ipapasara kung hindi tutugon sa pagpapasailalim sa mga kakataying baka at baboy sa inspeksyon, gayundin ang paglilinis sa kanilang lugar.

Ito ay matapos na matuklasan ni Councilor Eva Querubin, ng Market and Slaughter House Committee (MSHC) sa biglang inspection kahapon ng umaga ang karumihan partikular na ang mga meat section at mga katayan sa mga palengke sa nabanggit na siyudad.

Ang inspeksyon ay isinagawa bunga na rin ng pangamba na napasok na rin ang kanilang mga pamilihan ng may mad cow disease at food and mouth disease naman sa mga baboy.

Kabilang sa binalaan ay ang Cogeo Wet and Dry Market; public market sa Barangay Pinugay, Santa Cruz, San Jose, San Isidro, Barangay Mayamot na pawang nasa kahabaan ng Sumulong at Marcos Highway.

Natuklasan din ni Querubin na may mga baboy, manok at mga bakang kinakatay at itinitinda ang hindi dumadaan sa pagsusuri ng National Meat Inspection Commission (NMIC) matapos na madiskubreng walang tatak ng pagkakasuri ang mga paninda. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments