Pagpapaliban sa BSKE 2026, inihain sa Senado
MANILA, Philippines — Sa pangamba na maraming Pilipino ang maaaring hindi makaboto bunsod ng mataas na pamasahe at presyo ng krudo,isinulong ang Senate Bill No.2067 upang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Nobyembre 2026 patungong Oktubre 2027.
Ipinunto ni Sen. Imee Marcos, nagsulong ng panukala na kasunod lang ng Undas ang eleksyon kung kailan inaasahang mas dadagsa ang biyahe at mas lalong magmamahal ang pamasahe.
“Mahalaga ang Undas sa mga Pilipino bilang panahon ng pag-alala sa ating mga yumao. Ngunit sa patuloy na pagtaas ng pamasahe, baka mapilitan ang iba na huwag nang umuwi at tuluyan na ring hindi makaboto,” giit ni Marcos.
Bagaman at mahalaga aniya ang halalang ito sa barangay, kailangan ding isaalang-alang ang kasalukuyang krisis sa langis at ang bigat ng gastusin ng publiko.
Aniya, kung ipagpapaliban ang halalan, magkakaroon ng sapat na oras ang mga botante na ilipat at i-update ang kanilang rehistro kaya hindi na kailangang bumiyahe at gumastos ng malaki sa araw ng eleksyon.
Ayon sa Comelec na aabot sa P16 bilyon ang gagastusin para sa BSKE bukod pa sa karagdagang gastos ng PNP, DepEd, at mga lokal na pamahalaan.
Kung maipagpapaliban ang halalan, tuluy-tuloy rin ang serbisyo ng mga opisyal ng barangay at mas matututukan nila ang pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga komunidad sa gitna ng krisis.
- Latest















