Dalaga na nakipaghiwalay sa dyowa, inutas
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang dalaga nang siya ay ataduhin nang saksak ng dating dyowa nang magtagpo sa kalsada sa Brgy. Poblacion Norte, Paracale, Camarines Norte, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima na nasawi dahil sa tinamong mga saksak sa katawan ay kinilalang si alyas “Edna”, residente ng naturang lugar.
Habang ang suspek na naaresto sa follow-up operation ay kinilalang si alyas “Roel” at kinasuhan ng murder.
Sa ulat, pasado alas-5:00 ng hapon ay nakita ng suspek na noon ay lasing ang biktima sa tabi ng kalye at kinompronta ito tungkol sa naging desisyon nitong makipaghiwalay sa kanya.
Hindi sumagot ang biktima at sa galit ng suspek ay bumunot ito ng patalim at tinarakan ang biktima na duguang humandusay sa tabi ng kalye.
Mabilis isinugod sa pagamutan ang biktima, pero hindi na umabot nang buhay. Tumakas ang suspek at naaresto kinabukasan.
- Latest















